BI

CPs, gadgets, e-vapes tumambad sa raid sa BI facilities

Jun I Legaspi Jan 24, 2026
155 Views

SINALAKAY ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) noong Biyernes ang mga pasilidad nito sa Taguig at Muntinlupa kasunod ng pahayag ng deported Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nagkaroon umano siya ng access sa mobile phone habang nasa mga BI facilities.

Masusing sinuyod ang lahat ng silid at lugar, kung saan nakumpiska ang mga hindi awtorisadong gamit gaya ng pera, cellphone, gadgets, electronic devices, sigarilyo at e-cigarettes, mga patalim, pati na rin mga baraha at gamit sa sugal.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, bagama’t nag-raid noong Hunyo at Hulyo, kinakailangan pa rin ang panibagong pagsalakay batay sa pinakahuling impormasyon.

“Hindi namin kukunsintihin ang kapabayaan o katiwalian, at bibigyan namin ng pinakamabigat na kaparusahan ang sinumang mapatunayang lumabag sa tungkulin,” diin ni Viado.

Pinangunahan ng BI Intelligence Division ang operasyon.

Layunin nitong matiyak na malaya sa droga, kontrabando, at iba pang ipinagbabawal na gamit ang mga pasilidad.

Nauna nang ibinunyag ng BI na ang kasamahan ni Zdorovetskiy na si Malik Dejoun Okojie, isang banyagang national, ay sangkot sa pagpupuslit ng cellphone sa tulong ng kanyang asawang Pilipina.

Tatlong tauhan na sangkot sa pagpupuslit ng cellphone ang tinanggal na sa serbisyo: isang contractual agent ang sinibak, habang isang opisyal at isang staff ang pansamantalang inalis sa puwesto habang iniimbestigahan.

Dagdag pa ni Viado, pinag-aaralan na ang mas mahigpit na regulasyon kabilang ang posibleng pagbawi ng pribilehiyo sa paggamit ng cellphone sa parehong pasilidad, at limitahan na lamang sa paggamit ng landline at video call booths para sa komunikasyon sa pamilya, embahada o abogado.