Calendar
Nanggulo nagpakilalang parak, huli ng tunay na parak
ARESTADO ang guwardiya na umano’y nagpanggap na pulis at nakumpiskahan pa ng iba’t-ibang bala sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Biyernes.
Kinilala ang suspek na si alyas Marvin, 32, na dinampot ng mga tauhan ng Holy Spirit Police Station 14 bandang alas-3:50 ng umaga matapos ireklamo ng panggugulo sa canteen at nagpapakilala pang miyembro ng Philippine National Police.
Nang beripikahin ng mga pulis ang kanyang pagkakakilanlan, security guard ID lang ang naipakita ng suspek.
Sa inspeksyon sa kanyang belt bag, nasamsam ang 16 na bala ng .38 kalibre, 13 bala ng .45 kalibre at 15 bala ng .40 kalibre at ilang ID.
Hindi rin nakapagpakita ng lisensya o anumang dokumento para sa legal na pag-iingat ng mga bala ang suspek kaya agad na inaresto.
Kinasuhan siya ng usurpation of authority at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
