NIPAH Source: PNA

DOH pinagtodo-bantay vs pagpasok ng Nipah virus

157 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na magpatupad ng mahigpit na pagbabantay laban sa Nipah virus at iba pang nakahahawang sakit upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, patuloy na nakatutok ang Bureau of Quarantine ng DOH sa mga ulat ng muling pagkaka-detect ng Nipah virus sa ibang bansa, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na panatilihing ligtas ang mga Pilipino.

Ipinahayag ng DOH na nakaayon ang kanilang mga health protocols sa pinakabagong abiso ng World Health Organization (WHO) at nananatiling alerto ang kagawaran sa mga screening procedures sa mga border ng bansa, kabilang ang thermal scanning, trained observation, at masusing pagsusuri sa online health declarations.

Kasabay nito, pinalalakas ng DOH ang information campaign upang ipaalam sa publiko ang mga sintomas ng Nipah virus gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, at hirap sa paghinga.

Ipinaliwanag ng mga health officials na ang virus ay maaaring maipasa sa tao mula sa mga hayop tulad ng paniki at baboy, pati na rin sa kontaminadong prutas, at maaari ring maipasa mula tao patungo sa tao.

Ayon sa WHO, ang Nipah virus ay isang zoonotic illness na maaaring magdulot ng iba’t ibang antas ng karamdaman mula sa asymptomatic infection, acute respiratory illness, hanggang sa nakamamatay na encephalitis.

Maaari rin itong magdulot ng malubhang sakit sa mga hayop gaya ng baboy na nagreresulta sa malaking pagkalugi sa agrikultura.