FDA

FDA nakatanggap ng 25 na ulat ukol sa ni-recall na infant formula

109 Views

IPINAALAM ng Food and Drug Administration (FDA) sa isang pahayag sa publiko ang kalagayan ng mga ulat na natanggap kaugnay ng kasalukuyang boluntaryong pag-recall ng ilang piling batch ng mga produktong infant formula, alinsunod sa FDA Advisory 2026-0030.

Hanggang noong Enero 15, nakatanggap ang FDA ng 25 na ulat na may kaugnayan sa mga ini-recall na mga produkto.

Labing-walo sa mga ulat na ito ay tumutukoy sa mga alalahaning pangkalusugan na napansin ng mga magulang o tagapag-alaga matapos ang pagkonsumo ng nasabing infant formula.

Kabilang sa mga naiulat na sintomas ang pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan at iba pang kondisyon, na ang ilan ay kinailangan ng atensyong medikal.

Ayon sa FDA, lahat ng ulat na natatanggap nito ay dumaraan sa masusing pagsusuri upang matukoy ang nararapat na mga hakbang na pang-regulasyon.

Ang bawat ulat ay sinusuri at, kung kinakailangan, nakikipag-ugnayan ang FDA sa mga kaukulang ahensiya at tanggapan upang matiyak ang wastong pagproseso, beripikasyon at pagresolba ng mga iniulat na alalahanin.

Patuloy na pinananatili ng FDA ang malapit na koordinasyong pang-regulasyon sa Market Authorization Holder na inatasang magsumite ng regular at napapanahong mga ulat sa kalagayan ng pagpapatupad, pagsusuri at progreso ng boluntaryong pag-recall.

Nanatiling umiiral ang mga itinakdang pamamaraan para sa pagtanggap, pagdodokumento, pagsusuri, at angkop na pag-aksyon sa mga reklamo ng mamimili, kabilang ang mga ulat ng pinaghihinalaang hindi kanais-nais na epekto.

Sinabi ng FDA na patuloy ding isinasagawa nito ang pangangasiwang pang-regulasyon sa pag-recall sa pamamagitan ng pagsusuri ng impormasyong isinusumite ng mga kaukulang partido at ng pagsasagawa ng post-market surveillance.

Nauunawaan nito ang mga alalahanin ng mga magulang at tagapag-alaga, at hinihikayat silang ipagpatuloy ang maingat na pag-aalaga at pagmamasid sa kalusugan ng kanilang mga sanggol at maliliit na bata, sinabi ng FDA.

Kung may anumang alalahanin tungkol sa kalusugan ng isang bata, hinihikayat ang pagkonsulta sa isang propesyonal sa kalusugan.

Ayon pa sa pahayag, upang matulungan ang FDA na masubaybayan ang sitwasyon at makapagbigay ng angkop na tulong, maaari ring iulat ng mga magulang at tagapag-alaga ang anumang kaugnay na alalahanin sa pamamagitan ng ereport@fda.gov.ph.

Nananatiling tapat ang FDA sa tungkulin nitong pangalagaan ang kalusugan ng publiko, lalo na ang kalusugan at kaligtasan ng mga sanggol at maliliit na bata, ayon pa sa pahayag.

Magpapalabas ng karagdagang impormasyon kung kinakailangan, alinsunod sa mga napatunayang natuklasan at sa mga itinatag na prosesong pangregulasyon, saad ng FDA.