Basag Source: QCPD

QCPD nasakote 4 na miyembro ng Basag Kotse

150 Views

Basag1Basag2

Basag3
Source: QCPD

NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na umano’y miyembro ng “Basag Kotse” sa magkakasunod na operasyon ng pulisya sa Quezon City.

Sa presscon nitong Miyerkoles, inanunsyo ni QCPD Director P/BGen. Randy Glenn Silvio ang pagkakaaresto kina alyas “Jhon Allen,” 32; “Eugene,” 27; “Jaymark,” 19; at “Genel,” 31—pawang taga-Tondo, Maynila.

Ayon kay PS-8 chief P/Lt. Col. Bryan Pajarillo, alas-7:00 ng gabi nang iparada ng dalawang biktima ang kanilang sasakyan sa harap ng isang coffee shop sa lungsod.

Makalipas ang halos isang oras, dumating umano ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo at binasag ang kanang windshield ng kotse ng isa sa mga biktima. Natangay ang mga gamit na aabot sa P75,000 ang halaga.

Hindi pa nakuntento, binasag din ng mga ito ang sasakyan ng isa pang biktim pero walang nakuhang gamit.

Dahil sa mabilis na follow-up operation ng Special Investigation Team (SIT), nadakma noong Lunes sina Jhon Allen, Eugene at ang isa pa nilang kasabwat na si Jaymark. Nabawi ang ilan sa mga ninakaw at nakumpiska ang motorsiklong ginamit sa krimen.

Sa tuloy-tuloy na backtracking at manhunt, nadakip naman si Genel noong Martes (Marso 3) sa kanyang bahay sa Tondo. Narekober din ang Honda ADV 160 na ginamit umano sa kanilang modus.

Lumalabas sa rekord na si Eugene ay may mga naunang kaso sa carnapping, illegal firearms, at droga, habang si Jhon Allen ay may sabit din sa droga at illegal gambling.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong Theft at paglabag sa R.A. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.