Calendar
Bus vs multicab sa Camsur, 5 patay, 8 sugatan



NAKIRAMAY si Lupi Mayor Topi Jacinto sa mga naulilla ng apat na empleyadong namatay sa salpukan ng bus at multicab sa Ragay, Camarines gabi ng Abril 8, 2026.
“Lubos na nalulungkot ang Pamahalaang Bayan ng Lupi sa aksidenteng kalsada na naganap kagabi, Abril 8, 2026, sa bahagi ng bayan ng Ragay, na kinasangkutan ng isang pampasaherong bus at isang bisikleta na sinasakyan ng ilang empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Lupi at ilang pribadong indibidwal,” ani Jacinto sa isang pahayag.
Batay sa opisyal na ulat, lima ang nasawi sa nasabing trahedya, kabilang ang apat na empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Lupi. Ayon sa mga nakaligtas, sila ay nasa isang personal na paglalakad matapos ang kanilang oras ng trabaho nang maganap ang insidente.
“Sa ngalan ng Pamahalaang Bayan ng Lupi, ipinapaabot namin ang aming taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima. Ang kanilang pagkawala ay isang malaking dagok sa aming komunidad. Mananatili silang bahagi ng aming alaala dahil sa kanilang serbisyo at ambag sa bayan,” ani ng alkalde.
Tinitiyak ng alkalde na ang Pamahalaang Bayan ng Lupi ay patuloy na ibibigay ang kinakailangang tulong sa mga nasawi at kanilang mga pamilya, gayundin sa mga sugatan na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
“Hinihiling din namin sa ating mga kababayan ang pagkakaisa sa panalangin para sa mga yumao at para sa agarang paggaling ng mga nasugatan,” dagdag niya.
Batay sa ulat ng PNP, naganap ang aksidente dakong 9:20 ng gabi sa Andaya Highway, Bgy. Port Junction.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan n a nakilalang sina Jayson Toledo, John Edcel Parino, Richard Badil, Justin Jay Erwaso, Marcela Delos Santos, Mark Joshua Bersabe at Nestor Lobrigo.
Batay sa ulat ng PNP, patungo ang Mark Eves Transit bus na may body number ng 825-G at plate number na AAN 4745 sa Tabaco City, Albay nang biglang sakupin nito ang kabilang kalsada dahilan para mabangga nito ang multicab na patungo sa Barangay Lohong, Ragay, Camarines Sur.
Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, dead on the spot ang limang biktima habang nasugatan naman ang iba pa.
Karamihan sa mga pasahero ng multicab ay mula sa Lupi, Camarines Sur.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.

