Calendar
P35M na inuugnay kay VP Sara kwinestyon
KINUWESTIYON ng pangkat ng depensa ang P35 milyong kalkulasyon na iniugnay kay Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc., kaya itinuro ng forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera ang mga opisyal na resibo na nag-uugnay sa kumpanya sa limang sangay ng Jollibee sa pagdinig ng impeachment trial.
Tinanong ng abogada ng depensa na si Kristine Ferrer kung paano nakuha ni Cabrera ang naturang halaga. Sa kanilang palitan ng mga tanong at sagot, tinalakay ang operasyon ng kumpanya, ang pagkakadeklara ni Duterte bilang isang stockholder, at ang limitasyon ng mga rekord na magagamit upang matukoy ang aktuwal na pagmamay-ari.
Hindi ito tinukoy bilang resibong nagpapatunay na personal na nagbayad si Duterte ng ₱35 milyon, ni bilang kabuuang halaga ng pagtatayo o pagkuha ng limang prangkisa.
Nang ilarawan ni Ferrer bilang palagay lamang ang pagkakaroon ng limang sangay, itinuro ni Cabrera ang mga dokumentong kalakip ng kanyang ulat.
Isa-isang binanggit ni Ferrer ang limang lokasyon at tinanong kung nakapangalan sa GenCorp ang mga resibo.
Kinumpirma ni Cabrera ang kaugnayan ng mga ito sa kumpanya. Gayunman, inamin niyang ang mga resibo ay ibinigay ng prosecution at hindi siya direktang humingi sa GenCorp ng kumpirmasyon tungkol sa pagmamay-ari nito sa mga sangay.
Nakatuon ang palitan ng mga tanong sa batayan ng pagtataya sa halaga ng interes sa negosyo na mismong idineklara ni Duterte sa kanyang *Statement of Assets, Liabilities and Net Worth* (SALN).
Kinumpirma ni Cabrera na nakasaad ang GenCorp sa mga deklarasyon ni Duterte noong 2024 at 2025. Gayunman, iginiit niyang wala siyang natukoy na katumbas na pagtataya sa halaga ng naturang interes.
Ipinakita ni Ferrer ang bahagi ng SALN na naglalaman ng mga interes sa negosyo at ugnayang pinansiyal. Tinanong niya kung may nakalaang kolum sa bahaging ito para sa halaga ng pagkakabili ng mga sapi.
Sumang-ayon si Cabrera na walang ganoong kolum, ngunit itinuro niya kung saan, sa kanyang pananaw, dapat nakasaad ang halaga ng pamumuhunan.
“Mag-appear po siya dapat doon sa investment,” paliwanag niya.
Ipinakita ng kanyang sagot ang pagkakaiba ng pagbanggit sa isang kumpanya bilang ugnayan sa negosyo at ng aktuwal na pagsisiwalat sa halaga ng pamumuhunan dito.
Mula sa porma ng SALN, lumipat ang pagtatanong sa mga numerong ginamit ni Cabrera sa pagtataya ng interes ni Duterte sa GenCorp.
Sinuri ni Ferrer ang Table 15 ng ulat ni Cabrera na iniharap sa impeachment trial sa Senado. Pinaghiwalay sa talahanayan ang mga halagang nakasaad bilang bayad na puhunan (paid-up capital) at ang kalkuladong kontribusyon sa puhunan ng GenCorp.

