Pic5

61 pugante huli sa Calabarzon

19 Views

Pic6KAMPO VICENTE LIM, Calamba City – Umabot sa 61 pugante ang halos sabay-sabay na nasakote sa pinalakas na 24-oras na manhunt operation ng Police Regional Office (PRO) 4A sa buong rehiyon.

Kabilang sa mga nadakip mula alas-6 ng umaga noong Oktubre 8 hanggang alas-5:59 ng umaga ng Oktubre 9 ang limang itinuturing na regional level most wanted persons na nagtatago sa Batangas, Laguna at Quezon.

Bagsak sa kalaboso si alyas “Ron” matapos ikasa ng San Jose Municipal Police Station ang huli dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa bisa ng Republic Act (RA) 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at timbog din si alyas “Sheila” ng Laguna sa kasong pagbebenta ng bawal na gamot sa bisa ng Section 5 ng RA 9165.

Nahuli rin ng mga awtoridad sina alyas “Joel” at “Allan” para sa kinakaharap na mga kaso ng panggagahasa sa lungsod ng San Pedro.

Samantala, huli rin si alyas “Mawin” ng Quezon dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga, sa bisa ng Section 11 ng RA 9165.

Sa mensahe ni PRO 4A Regional Director PBrig. Gen. Dominic L. Baccay, sinabi niyang hindi sila titigil sa paghahabol sa mga kriminal para maibigay ang hustisya sa mga biktima.

“Patuloy naming paiigtingin ang pagtugis sa mga wanted persons upang maipatupad ang batas at maihatid ang hustisya. Hinihikayat din namin ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang impormasyon,” giit ni Baccay.

Kasalukuyan nang nakakulong sa kani-kanilang himpilan ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago iharap sa hukuman.