Pic Source: FB post/CTTO

Jeepney driver nagpalit ng gulong, nahagip ng sasakyan, patay

77 Views

Pic1Pic2Pic3

Pic4
Source: FB post/CTTO

PATAY ang isang 21-anyos na tsuper ng pampasaherong jeep matapos araruhin ng hindi pa nakikilalang sasakyan habang nagpapalit ng gulong sa gilid ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, madaling-araw ng Abril 13.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng madaling-araw malapit sa Ylanan Street, Barangay UP Campus. Ayon sa imbestigasyon, abala ang biktima sa pagpapalit ng gulong ng kanyang jeepney nang bigla itong mabundol ng sasakyang umano’y galing sa direksyon ng Elliptical Road.

Dahil sa tindi ng pinsala, agad isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival bandang ala-1:37 ng madaling-araw.

Agad namang bumuo ng Special Investigation Team (SIT) ang QCPD upang matukoy ang sasakyang sangkot sa insidente. Kasalukuyan nang sinusuri ang mga CCTV footage sa lugar, nagsasagawa ng backtracking, at nakikipag-ugnayan sa mga posibleng saksi at iba pang ahensya.

Nanawagan ang QCPD sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa agarang pagresolba ng kaso. Maaaring ipagbigay-alam ang anumang detalye sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa pamamagitan ng E911 at QC Helpline 122.

Tiniyak naman ng pulisya na patuloy ang kanilang operasyon upang matunton ang suspek at maibigay ang hustisya sa nasawing biktima.