Marine

Nagpapaputok ng boga, nagbanta tiklo

Edd Reyes Apr 20, 2026
28 Views

KALABOSO ang inabot ng 67-anyos na retiradong Philippine Marine ng arestuhin ng mga pulis matapos magpaputok ng baril at pagbantaan ang mga kabataan noong Linggo sa Taguig City.

Naaresto ng mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonueva ang suspek na si alyas William at nakumpiska rin sa kanya ang kalibre .45 pistol na ginamit niya sa pananakot na kargado pa ng tatlong bala sa magazine.

Nangyari ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa Camachile St. Brgy. North Signal nang sitahin ng suspek ang mga nag-iinumang kabataan sa lansangan.

Napikon ang suspek nang ilipat ng mga kabataan ang mesa at upuan habang nagbubulungan na dahilan upang hilahin niya sa leeg ang menor-de-edad na binatilyo at bumunot ng baril nang tangkain siyang awatin ng isang alyas Karl na kanya namang hinila sa kamay.

Maging ang anak ng suspek na nagmamani-obra ng sasakyan malapit na lugar ay tinangka ring awatin ang kanyang ama subalit sa halip, nagpaputok pa ng baril sa lupa ang dating sundalo na dahilan ng pagkasindak ng mga residente sa lugar.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong grave threats, alarm and scandal, at illegal discharge of firearms habang dinala sa Regional Civil Security Unit–NCR ang baril ng suspek.