Drown

Outing nauwi sa trahedya; batang lalaki, 7, nalunod

Edd Reyes Apr 20, 2026
32 Views

NALUNOD sa ilog ang 7-anyos na batang lalaki matapos malingat ang kanyang pamilya at hindi siya napansin na lumusong sa tubig noong Linggo sa Antipolo City.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Henry Garcia, chief of police ng Antipolo City, nalunod si alyas Vin habang nagsi-swimming sa Sitio Kaysakat, Brgy. San Jose.

Dakong alas-10:30 ng umaga napansin ang pagkawala ng bata kaya’t ginalugad ang lugar habang ang ilang kalalakihan ay sumisid sa umaagos na ilog kung saan nila natagpuan ang walang malay na biktima sa ilalim.

Isinugod pa ng kanyang kaanak sa Cabading Hospital ang bata subalit idineklarang patay na ng attending physician dakong alas-11:45 ng umaga.