Mendoza

LTFRB sinuspinde operasyon ng UV Express na bumangga sa poste

Jun I Legaspi Apr 20, 2026
30 Views

IPINAG-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 30-araw na suspensyon sa operasyon ng isang UV Express na bumangga kamakailan sa poste sa Cubao, Quezon City.

Naganap ang aksidente sa kanto ng P. Tuazon at 15th Avenue na kinasangkutan ng UV Express na nasa ilalim ng Metro Comet Transport Service Cooperative.

Isa ang namatay at 21 ang nasugatan sa aksidente.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, kinakailangan ang malinaw na paliwanag sa lahat ng pangyayaring nagdulot ng aksidente.

“Gusto nating malaman kung may kinalaman ito sa road worthiness ng sasakyan o kung may pagkukulang ang driver. Malalaman natin iyan sa takbo ng imbestigasyon,” ani Chairman Vigor.

Naglabas na ng show cause order (SCO) ang LTFRB na nag-aatas sa operator na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang prangkisa.

Kasama sa mga ipinag-utos ang pagsusumite ng lahat ng maintenance records ng sasakyan, pagsailalim ng driver sa drug test at pagdalo sa road safety seminar.

Itinakda ang pagdinig sa kaso sa Mayo 6, 2026. Binigyang-diin ni Chairman Vigor na ang hindi pagsunod sa SCO ay maaaring magresulta sa P5,000 multa at desisyon batay sa ebidensiyang hawak ng LTFRB.