Statement

3 miyembro ng pamilya patay, 3 pa sugatan sa barilan sa Zamboanga

Zaida Delos Reyes Apr 23, 2026
44 Views

TATLONG miyembro ng pamilya ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan nang mauwi sa barilan ang paghahain ng warrant of arrest ng mga nagpakilalang pulis at sundalo nitong Huwebes ng madaling araw sa loob mismo ng kanilang bahay sa Zamboanga City.

Naganap ang insidente dakong 1:30 ng madaling araw sa Alas-as Drive, Barangay Sinunuc sa nasabing lungsod.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jerry Indan Alfad, 52, chairman ng Lupong Tagapamayapa ng Barangay; pamangkin na si Rayyan Hassan Alfad, 22, at anak na si Salam Aradais Alfad, 12.

Isinugod naman sa Zamboanga City Medical Center ang mga nasugatan na sina Misli Aradis Alfad,18; Sayra Alfad, 40, at Saralyn Alfad, 23, SK kagawad sa barangay.

Ayon kay Kagawad Albis Marujo, pinasok ng mga awtoridad ang compound para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang Saddam Siddik na umano’y notorious na kriminal mula sa Isabela City, Basilan.

Giit ng mga awtoridad, nanlaban ang mga biktima kaya’t nauwi sa barilan ang paghahain ng warrant of arrest.

Paliwanag naman ng kaanak ng mga biktima, tanging si Rayyan lamang ang gising at nagbukas ng pinto sa pag-aakalang bibili lamang ng tubig ang mga awtoridad.

Sa kabila ng malaking pwersa ng pulis at militar , nakatakas parin si siddik.

Kinumpirma din ng mga awtoridad na wala sa loob ng bahay ang target ng kanilang operasyon.

Na-recover sa pinangyarihan ng krimen ang isa M16 rifle, M61 hand grenade at maraming basyo ng 5.56mm na bala.

Batay sa ulat ng PNP, dalawang lalaki na kasamahan ni Siddick ang namaril sa mga alagad ng batas na naghahain ng warrant of arrrest kaya’t agad na gumanti ang mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.