Pic

Pekeng seasoning nakuha sa 3 magkakaanak

Jon-jon Reyes Apr 30, 2026
29 Views

Pic1

Pic2
Ang mga suspek na naaresto ng mga operatiba ng MPD matapos madiskubreng peke ang kanilang mga dalang Magic Sarap seasoning sa Tondo, Manila. JONJON C. REYES

ARESTADO ang tatlong magkakaanak na nabuking na nagbabagsak ng mga kahun-kahong pekeng Magic Sarap seasoning sa Brgy. 128, Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga nahuli na sina alyas Jerome, 23; Jeremy; at Jessie.

Nagsumbong ang isang saksi dahil nakahambalang sa daanan ang mga closed van na nagbababa ng mahigit 100 kahon ng seasoning sa tapat ng Building 14, Permanent Housing sa Brgy. 128.

Rumesponde ang mga pulis ng Manila Police District-Raxabago Police Station 1 at kinorner ang tatlo upang tanungin at hingan ng mga dokumento kaugnay sa kanilang kargamento subalit walang naipakitang mga papeles ang tatlo.

Nagtungo ang mga otoridad sa pangunguna ni P/Maj. Patrick Rodriguez at naobserbahan ang mga suspek na naglalabas ng mga kahon mula sa kanilang sasakyan na sagabal sa kalsada..

Sa pag-verify sa mga kahon, nabigong maipakita ang mga resibo o iba pang nauugnay na mga dokumento.

Magic Sarap ang mga produkto pero nalaman ng mga pulis ang pagkakaiba sa pagitan ng orihinal at pekeng packaging ng produkto.

Nakipag-ugnayan sila sa Nestle Philippines, ang gumagawa ng Magic Sarap, at si Claire Ortega ang tumanggap ng tawag at nangakong magbibigay ng kinatawan sa ngalan ng kumpanya.

Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento laban sa mga naarestong suspek na ihahain sa Manila Prosecutor’s Office.