Calendar
Babae pinagsasaksak ng ka-live in dahil sa pakikipag-text sa ex
KINATAY umano ng 35-anyos na kelot ang kanyang live-in partner bunga ng hinalang nakikipag-relasyon pa ang biktima sa dating kasintahan sa Las Piñas City.
Dedo at naliligo sa sariling dugo sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas Laiza, 29, nang datnan ng mga nagrespondeng tauhan ng Daniel Fajardo Sub-station 1 ng Las Piñas Police sa loob ng bahay ng maglive-in partner sa Lopez Compound, Brgy. Manuyo Uno.
Naaresto kaagad ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang suspek na si alyas Limuel matapos madatnan sa loob din ng compound at nakuha rin sa lugar ang patalim na ginamit sa pamamaslang.
Ayon kay Las Piñas police chief P/Col. Fermin Armendarez III, nangyari ang insidente dakong alas-3:30 noong Miyerkules ng madaling araw sa loob ng tirahan ng dalawa matapos mabasa ng suspek sa cellupar phone ng biktima ang pakikipag-palitan nito ng mensahe ng pagmamahalan sa dating kasintahan.
Sinita umano ng suspek ang kalive-in hanggaang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong sa madugong pagpatay ng lalaki sa biktima.

