DepEd

DepEd naglabas ng pahayag sa pananaksak sa Zamboanga City school

30 Views

NAGPAHAYAG ng matinding pag-aalala ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente ng pananaksak sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City na ikinasugat ng dalawang mag-aaral.

Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng DepEd na prayoridad nito ang kapakanan at agarang paggaling ng dalawang nasugatang estudyante.

Ayon sa kagawaran, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DepEd Central Office sa Regional Office at Schools Division Office upang matiyak na agad na maibibigay ang kinakailangang tulong at interbensyon sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, tiniyak din ng DepEd na ipatutupad ang mga nararapat na hakbang sa child protection, guidance services, at psychosocial support para sa mga apektadong mag-aaral at school personnel, kasabay ng mahigpit na pagtalima sa due process.

Bilang tugon sa insidente, inatasan na rin ng DepEd ang lahat ng paaralan at field offices sa buong bansa na paigtingin ang pagpapatupad ng mga polisiya sa school safety at child protection.

Inatasan din ang mga paaralan na palakasin ang koordinasyon sa mga magulang, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agency upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

Iginiit ng DepEd na nananatili itong nakatuon sa pagtiyak na ang bawat mag-aaral ay makapag-aral sa isang ligtas, suportado, at walang karahasang kapaligiran.

Larawan: Department of Education (DepEd)