Calendar
Barangay kagawad binaril sa Makati, ligtas
SUGATAN ang kagawad ng barangay ng barilin ng hindi pa kilalang suspek noong Huwebes sa Makati City.
Iniutos ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang imbestigasyon at ang pagtugis sa mga suspek sa pamamaril kay Atty. John Yland De Ocampo, kagawad ng Brgy. Sta. Cruz.
Sa impormasyong ibinahagi ng SPD, naganap ang insidente dakong alas-8:05 ng umaga sa kanto ng Novaliches at Zapote St. Brgy. Olympia.
Naisugod sa ospital ang biktima at kasalukuyang ino-obserbahan pa sa tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Nagsasagawa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan sa suspek at maisagawa ang agarang pagdakip.
Kinondena ni Makati City Mayor Nancy Binay ang pamamaril at sinabing nakikiisa siya sa panalangin ng pamilya para sa kaligtasan ng biktima.

