Nakaw

Gadgets, groceries tinangay, tumangay na kasambahay laglag

38 Views

ARESTADO ang kasambahay at umano’y kasabwat niyang menor-de-edad dahil umano sa pagtangay ng mahigit P106,000 na halaga ng mga gadget at groceries ng kanilang amo sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City noong Hulyo 21.

Kinilala ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na si alyas Kim, 21, at ang menor-de-edad na si LMV.

Ayon sa ulat ng Payatas-Bagong Silangan Police Station 13, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa Parkwood Hills Subdivision.

Lumabas ng bahay ang biktima nang mapansin ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at may mga bag na nakasabit sa harapan.

Nang makita umano ang amo, agad umanong ibinagsak ng mga suspek ang mga bag sa kalsada at nagmamadaling bumalik sa loob ng bahay na parang walang nangyari.

Nadiskubre ng biktima na laman ng mga bag ang kanyang mga gamit kaya humingi siya ng tulong sa mga pulis.

Naaresto ang dalawang suspek at nabawi ang mga ninakaw na kinabibilangan na iPad, NEC laptop, dalawang Apple iPad Mini, dalawang children’s tablet, isang Huawei P30 cellphone, sari-saring grocery at sako ng bigas na may kabuuang halagang P106,050.

Sasampahan ng kasong qualified theft ang kasambahay, habang isinailalim sa kaukulang proseso ang menor-de-edad.