Calendar
Masusing sinisiyasat ng mga kapulisan ng MPD ang pinangyarihan ng pagsabog sa tapat ng gusali ng DOJ sa kahabaan ng Padre Faura Ermita Manila..
Pagsabog sa harap ng DOJ iniimbestigahan


ISANG pagsabog ang naganap nitong Lunes sa tapat ng gusali ng Department of Justice sa Padre Faura Street, Ermita, Manila.
Ayon kina PCpl. Ervin Magsila at Pat. Paul Erwin Canta, nakatalaga sa J. Bocobo PCP, Ermita Police, narinig nila ang malakas na pagsabog bandang 12:12 ng madaling araw.
Natiyak ng mga otoridad na ang pagsabog ay naganap sa tapat ng nasabing gusali ng DOJ.
Sina PLt.Col. June Paolo O Abrazado, Station Commander, ng MPD Ermita Police Station 5 at PLt. Christopher B. Ferrer, ay agad na sinuri ang pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa saksi na kinilalang si alyas Rainjie, 26, security guard na nakatalaga sa DOJ, tubong Bukidnon,binata, at naninirahan sa San Andres, Manila, sumiklab ang apoy matapos ang pagsabog at napinsala ang ilang nakaparadang sasayan.
Iniimbestigahan din ang insidente ng Manila Police District Explosives and Canine Unit (MPD DECU), sa pamumuno ni PCPT Christopher Milan; at ng MPD Forensic Unit, sa pamumuno ni PMaj. Micheal Jobel.
Ayon sa pahayag ng Department of Justice, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Agad na naabisuhan ang yunit ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP-EOD), na kaagad ding rumesponde upang magsagawa ng teknikal na pagsusuri.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan, uri, at mga pangyayaring nakapalibot sa pagsabog.
Sa kasalukuyan, kontrolado na ang sitwasyon at nananatiling ligtas ang gusali ng DOJ. Nananatiling nakatuon ang DOJ sa pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga tauhan nito at ng pangkalahatang publiko, habang sinusuportahan ang isang masusi at walang kinikilingang imbestigasyon.

