Isko2

INC 112 taon na; Mayor Isko nagpaabot ng pagbati

Edd Reyes Jul 27, 2026
29 Views

BINATI ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito noong Hulyo 27.

Sa Facebook live broadcast ng “Talk to the People,” sinabi ng alkalde na karangalan ng Maynila na sa lungsod na ito itinatag ang isa sa pinakamalaking religious organizations sa buong mundo.

“Sa Tagapangasiwang Pangkalahatan, sa ating kapatid na Eduardo Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, at kapatid na Angelo Eraño Manalo, Pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo sa buong mundo, sa ngalan po ng Maynila, sa buong ating mga kababayang Manilenyo ay nais ko pong ipabatid ang aking taos-pusong pagbati sa ating mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo,” pahayag ni Mayor Isko.

Tinukoy ng alkalde ang unang naging sambahan ng INC sa Punta Sta. Ana noong 1914 na naitatag ni Felix Manalo.

Sinundan ito ng matibay na simbahan na gawa sa bato sa Maceda St. na noon ay kilala bilang Washington St. sa Sampaloc at ang sumunod ay ang isa sa pinakamalaking chapel sa mundo sa Moriones St. sa kanto ng Juan Luna sa Tondo.

“Kami po ay proud bilang Manilenyo ng pagpapalaganap o pagpapahayag ng mga salita ng Diyos at paggabay sa aming mga kababayang Iglesia ni Cristo dito sa lungsod ng Maynila na siya na ngayo’y bahagi na ng buong mundo.

Sa pamumuno po ni Ka Eduardo ay patuloy kayong bigyan ng malusog na pangangatawan upang patuloy na pamahalaan at kalingain ang ating mga kapatid, at nang sa ganoon ay hangad din namin ang inyong katagumpayan,” pagtatapos ng alkalde.