Calendar
RIT humirit sa QC; 22-anyos na lalaki nasawi
PINAGBABARIL hanggang mamatay ang 22-anyos na lalaki ng nakatakas na riding-in-tandem (RIT) sa harap ng kanilang bahay kasama ang kanyang pamangkin sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City noong Linggo.
Kinilala ang biktima na si alyas Marcos.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng hatinggabi.
Base sa imbestigasyon, nakikipagkuwentuhan ang biktima sa pamangkin niyang si alyas Gidoc ng dumating ang RIT.
Walang sabi-sabing bumunot ng baril ang angkas at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima bago tumakas patungo sa Philand Drive.
Isinugod pa ng pamangkin ang biktima sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival.
Narekober ng SOCO ng QCPD Forensic Unit ang limang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.
