Expired

14,541 kilos ng pasong karne nakumpiska sa Valenzuela

Edd Reyes Jul 28, 2026
27 Views

INIULAT ng Valenzuela na umabot na sa 14,541.57 kilos ng expired meat at iba pang food products ang nakumpiska nila sa tulong ng National Meat Inspection Service (NMIS) at National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, noong Hulyo 10 nakumpiska sa operasyon ang 7,600.21 kilo ng expired imported frozen meat products, kabilang ang beef, pork at chicken.

Ibinebenta online sa Brgy. Arkong Bato ang mga nakumpiskang karne. Nasa kustodiya na ng NMIS ang mga ito at isasailalim sa tamang disposal ng Bureau of Animal Industry.

Nasamsam din ng City Veterinary Service Office (CVSO) ang 6,941.36 kilo ng iba’t-ibang food products noong Hulyo 11 sa Brgy. Gen. T. de Leon.

Kasama sa nasamsam ang pork, beef, chicken, french fries, assorted vegetables, duck breast at iba’t-ibang uri ng seafoods.

Pinaalalahanan ng Valenzuela ang publiko na bumili lamang ng karne at iba pang food products sa mga lehitimo at mapagkakatiwalaang tindahan.

Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa publiko na upang malinawan ang kanilang katanungan kaugnay ng mga kahina-hinalang produktong karne, maaaring makipag-ugnayan sa City Veterinary Services Office (CVSO) sa 8352-2000 loc. 2111.