Barbers

Barbers: Mas mahigpit na pananagutan kailangan sa confidential funds

Mar Rodriguez Aug 2, 2026
29 Views

BINIGYANG-DIIN ni House prosecution panel spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na ang pagiging kumpidensyal ng mga “confidential fund” ng pamahalaan ay nangangailangan ng mas mahigpit at hindi mas maluwag na pananagutan at iginiit nito na hindi maaaring gamiting dahilan ang pagiging lihim ng mga operasyon upang mailayo sa pagsusuri ang paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon kay Barbers, kinakailangan ang mas matibay na internal controls sa confidential funds dahil limitado ang maaaring isapubliko hinggil sa mga sensitibong operasyon.

“Kapag mas lihim ang paggastos, mas mataas ang dapat na antas ng dokumentasyon at pananagutan. Confidential ang operasyon, pero hindi maaaring maging confidential ang accountability,” sabi ni Barbers.

Sinabi ng dating kongresista na bagama’t maaaring hindi isapubliko ang ilang sensitibong detalye upang mapangalagaan ang pambansang seguridad, dapat pa ring maipaliwanag at maitala nang maayos ang bawat pisong ginastos sa mga institusyong inatasan ng Konstitusyon na magsagawa ng oversight.

“Mas lihim ang pera, mas mahigpit dapat ang audit trail. Kung hindi maaaring ilantad sa publiko ang buong detalye, dapat naman itong maipaliwanag nang sapat sa mga institusyong inatasan ng Konstitusyon na magsuri,” ani Barbers.

Idinagdag pa ni Barbers na hindi lamang ang mga indibidwal na sangkot ang dapat suriin sa impeachment proceedings, kundi maging ang umiiral na sistema ng pamamahala sa confidential funds upang matiyak na sapat ang mga safeguard laban sa posibleng pang-aabuso.

“Hindi lang ito usapin ng isang tao. Usapin ito kung sapat ba ang ating sistema upang matiyak na ang confidential funds ay nagagamit lamang para sa tunay na layunin nito,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Barbers, ang paggamit ng mga alias, malakihang cash withdrawals, at mga kumpidensyal na transaksyon ay nagpapahirap sa independiyenteng beripikasyon ng mga gastusin, kaya lalong mahalaga ang malinaw na dokumentasyon.

“Ang alias ay proteksyon para sa tunay na informant, hindi lisensya para mawala ang pananagutan. Kapag mahirap nang i-verify ang pinagkagastusan, mas kailangan ang malinaw na records at ebidensiya,” aniya.

Iginiit din ng dating mambabatas na ang pagkakatulad ng ilang kuwestiyonableng transaksyon sa mga naunang kontrobersiya ay hindi agad nangangahulugan ng paglabag, ngunit sapat itong dahilan upang masusing imbestigahan.

“Hindi pa ito hatol at lalong hindi ito awtomatikong konklusyon. Pero kapag may mga pangyayaring dapat ipaliwanag, tungkulin nating siyasatin ang bawat piso ng pera ng bayan,” ani Barbers.

“Ang subpoena ay hindi hatol. Ngunit ang hindi maipaliwanag na paggamit ng pampublikong pondo ay hindi rin maaaring ituring na sapat na paliwanag.”

Dagdag pa niya, hindi rin sapat ang liquidation documents upang awtomatikong mapatunayan na tama at naaayon sa batas ang paggamit ng pondo.

“Ang liquidation ay hindi pa katumbas ng accomplishment. Ang pag-withdraw ng pera ay hindi rin awtomatikong patunay na nagamit ito ayon sa batas. Ang mahalagang tanong ay kung may totoong operasyon, may totoong benepisyaryo at may totoong resulta,” aniya.

Muling binigyang-diin ni Barbers na ang pangunahing isyu sa harap ng Impeachment Court ay kung mapatutunayan sa pamamagitan ng independiyenteng beripikasyon na ang pondo ng bayan ay tunay na nagamit para sa layuning itinakda nito.

“Sa pera ng bayan, maaaring maging lihim ang operasyon. Pero hindi maaaring maging lihim ang pananagutan. Kailangang mapatunayan na may totoong tao, may totoong operasyon, may totoong resulta, at walang perang nawala,” pagtatapos ni Barbers.

To God be the Glory