Calendar
Fajardo: Romualdez handang humarap sa paunang imbestigasyon ng Ombudsman; di kapani-paniwala ‘maleta boys’
HANDA si dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na harapin ang paunang imbestigasyon na isasagawa ng Office of the Ombudsman (OMB) kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa isyu ng flood control scam, ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita nitong Linggo.
“Kami po ay naghahanda sa preliminary investigation at iyon po ay sasagutin ni Congressman Romualdez,” sinabi ni Atty. Ade Fajardo sa panayam sa dzMM.
Ayon kay Fajardo, sasagutin ng kongresista ng Unang Distrito ng Leyte ang lahat ng paratang laban sa kanya at ang tanging hinihiling lamang nito ay ang isang patas na proseso.
“Handa siyang harapin ang lahat ng paratang na ito. Pero sa tamang proseso, ano po. ‘Yun naman ang aming posisyon, na given an equal play ika nga dito sa mga usaping ito,” aniya.
Muli ring iginiit ni Fajardo na taliwas sa mga haka-haka, nananatili si Romualdez sa bansa at patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte.
“Hindi naman tumatakas si Congressman Romualdez na nanatili sa bansa. Inaasikaso niya ang kanyang constituents at siyempre, he is complying with his legislative function as Leyte representative,” ani Fajardo.
Inulit din niya ang kanilang matagal nang posisyon na walang ebidensiyang nag-uugnay sa dating pinuno ng Kamara sa umano’y anomalya, dahil wala umano itong naging partisipasyon sa pagbalangkas ng 2025 national budget maliban sa pagpirma rito, gayundin sa implementasyon ng mga flood control project.
Binigyang-diin niya na ito rin umano ang isa sa mga naging konklusyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
“Sabi po doon sa recommendation ng ICI ay for further investigation, kasi wala nga po silang mahanap dahil precisely wala ho si Congressman Romualdez sa bicameral conference, wala rin po siya sa tinatawag na small committee,” aniya.
“Wala rin siya sa tinatawag na technical working group, na binubuo ng chairperson ng House appropriations committee at ng Senate finance committee. Wala po siya roon. Sa lahat ng pagkakataon, ang naging partisipasyon lamang niya ay noong pinirmahan na ng lahat ang panukalang budget,” dagdag pa niya.
Kaugnay naman ng plano ng Ombudsman na gamitin bilang mga testigo ang ilan sa 18 tinaguriang “maleta boys,” na mga dating bodyguard ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ipinaalala ni Fajardo na noong lumabas ang mga ito noong Pebrero ay mismong Ombudsman umano ang nagsabing ang kanilang mga pahayag ay bahagi ng umano’y tangkang destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos.
Ayon sa kanya, hindi mapagkakatiwalaan ang testimonya ng mga dating tauhan ni Co.
“Ang una nating reaction diyan, matagal na nating sinasabi, hindi po kapani-paniwala, hindi credible ang mga salaysay nitong maleta boys,” aniya.
“Mula pa noong Pebrero nang lumabas sila, kahit Ombudsman mismo noon ang nagsabi na ang kanilang mga pahayag ay tila bahagi ng isang planong destabilisasyon,” dagdag niya.
Tinawag din ni Fajardo na “kasinungalingan” ang mga salaysay ng mga “maleta boys,” na aniya’y naging dahilan upang sampahan sila ng Department of Justice (DOJ) ng kasong perjury o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
“Lahat ay pawang kasinungalingan at iyan ay napatunayan dahil mismong Department of Justice, bilang tugon sa reklamo ng maraming pinangalanan doon, ay naghain ng kasong perjury. Ibig sabihin, sa simpleng pananalita, nagsinungaling sila sa isang sinumpaang salaysay,” ani Fajardo.
Hindi rin umano niya maunawaan kung bakit binibigyang bigat ng Ombudsman ang mga salaysay ng “maleta boys” gayong itinuring na itong walang kredibilidad ng DOJ.
“Hindi sila pinaniwalaan ng Department of Justice dahil naghain ito ng kasong perjury at libel laban sa kanila. Ngunit sa kabilang banda, tila binibigyan naman ng Office of the Ombudsman ng bigat ang mga testimonya nilang ito,” aniya.
Binanggit din ni Fajardo na sa orihinal na affidavit ng mga “maleta boys,” mahigit 20 mambabatas ang kanilang pinangalanan na umano’y pinaghatiran nila ng pera. Ngunit ngayon, ayon sa kanya, si dating Speaker Romualdez na lamang ang natitirang nakapangalan sa kanilang mga alegasyon.
“Napansin natin noong Pebrero, mahigit 20 indibidwal ang pinangalanan ng mga maleta boys na umano’y hinatiran nila ng pera. Ngayon, dahil na-dismiss na ang kanilang mother affidavit o original joint affidavit, tila nawala na ang lahat ng mga pangalang iyon sa opisyal na rekord ng Ombudsman, maliban kay Congressman Romualdez,” aniya.
“’Yun po ang nakakalungkot at nakakabahala dahil parang lahat ay naabsuwelto at siya na lamang ang natira sa alegasyon ng mga maleta boys. Para sa kanya at para sa amin, hindi ito ang ipinangakong pantay-pantay na proseso para sa lahat,” diin ni Fajardo.

