Energy

Amyenda sa EPIRA, pag-alis sa system loss charges nais ni Tulfo

21 Views

ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 at ang pagtigil sa pagpapasa ng system loss charges sa mga konsyumer.

Sinabi ni Tulfo, chair ng Senate Committee on Energy, na kailangang baguhin ang 25-taong batas upang makatulong sa pagbibigay ng mas abot-kayang kuryente sa mga Pilipino.

Kinuwestiyon niya kung bakit mga konsyumer ang kailangang magbayad sa system losses na sinabi niyang dapat sagutin ng mga kumpanya ng kuryente.

“Hindi ito makatarungan. Bakit ang mga mamamayan ang kailangang magpasan ng mga system loss na ito? Ang mga kumpanya ng kuryente ang dapat na managot sa sarili nilang mga lugi,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Kinuwestiyon din niya kung ginagampanan ng mga kumpanya ng kuryente ang kanilang social responsibility habang nahaharap sa utang at kahirapan ang maraming pamilya.

“Itong mga distributor, generation company na ito, may mga social responsibility naman kayo. Makisama naman kayo. Huwag naman puro kabig lang, tumulak din,” sinabi ni Tulfo.

Sinabi ng senador na target ng energy committee na tapusin bago matapos ang taon ang mga pagdinig upang repasuhin ang mga patakarang nagpapahintulot na ipasa sa mga konsyumer ang system loss charges.

Ayon kay Tulfo, makatutulong sa mahihirap na pamilya ang pag-alis sa singil dahil kahit ilang daang piso ay maaari nang ipambili ng bigas o gasolina.

“Pagaanin naman natin ang pasanin ng mga Pilipino at alisin ang singil sa system loss. Kung titingnan mo ang bill, ilang daang piso lang ‘yan, pero malaking bagay na ‘yan sa ating mga mahihirap na kababayan. Pambili na rin ‘yan ng bigas o gasolina—malaking tulong talaga,” giit niya.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution No. 537 upang imbestigahan ang patakaran sa pagpapasa ng system loss charges sa mga konsyumer.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 2239, na naglalayong ipawalang-bisa ang Batas Pambansa Blg. 36 o Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340, na naglalayong alisin ang value-added tax sa system loss charges.

Kasunod ang mga hakbang sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso na isulong ang mga patakarang mag-aalis sa system loss charges sa electric bill ng mga konsyumer.

Sinabi ni Tulfo na tatapusin ng komite bago matapos ang taon ang mga pagdinig habang nirerepaso nito ang mga umiiral na patakaran sa kuryente.