Barbers

Barbers: Pahayag ni VP Sara tungkol sa umano’y assassin, nakasisira sa imahe ng PH

Mar Rodriguez Aug 2, 2026
16 Views

BINATIKOS ni House prosecution spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robery Ace S. Barbers ang naging pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte tungkol sa umano’y pagkuha nito ng assassin at gun violence habang nasa isang pagtitipon sa ibang bansa, na aniya’y maaaring makasama sa imahe ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.

Ayon kay Barbers, isang “malaking irony” na ang naturang mga pahayag ay ginawa ng Bise Presidente sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial kung saan kabilang sa mga isyung tinatalakay ang umano’y mga banta na kanyang binitiwan noon.

Sinabi rin ni Barbers, dating Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang ganitong mga pahayag ay maaaring magbigay ng negatibong impresyon sa mga dayuhang mamumuhunan at turista tungkol sa sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

“Kapag ang ganitong klase ng pahayag ay nagmumula sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan habang nasa ibang bansa, maaaring makabuo ito ng maling pananaw tungkol sa Pilipinas,” ani Barbers.

Binigyang-diin pa niya na bilang isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa, nararapat lamang na maging maingat sa mga pahayag na maaaring makaapekto sa reputasyon ng Pilipinas sa harap ng international community.

Ang pahayag ni Barbers ay kaugnay ng naging komento ni Duterte sa isang pagtitipon sa ibang bansa kung saan nabanggit ang umano’y posibilidad ng pagkuha ng assassin, na muling naging sentro ng usapin sa gitna ng kanyang impeachment proceedings.

Samantala, nagpapatuloy ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa mga kasong isinampa laban sa Bise Presidente, habang patuloy namang iginiit ng House prosecution panel ang kahalagahan ng pagsusuri sa mga ebidensya at testimonya sa ilalim ng proseso ng impeachment.