Calendar
Speaker Dy, Majo Marcos naghain ng panukalang batas vs systems loss


HINDI na dapat pasanin ng mga nagbabayad ng kuryente ang mga pagkaluging dulot ng pagnanakaw ng kuryente, sirang metro, mahinang sistema ng paniningil, kakulangan sa maintenance, hindi episyenteng operasyon, o kapabayaan ng mga distribution utility.
Sa ilalim ng panukalang House Bill (HB) No. 10430 o Systems Loss Charge Abolition Act, na inihain nina House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte at Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, aalisin ang system loss charge bilang hiwalay na bahagi ng buwanang singil sa kuryente.
Nakasaad sa panukala na dapat maprotektahan ang mga konsyumer laban sa mga singil na nagmumula sa mga sitwasyong nasa kontrol ng mga distribution utility, habang pinahihintulutan pa rin ang makatarungang pagbawi ng mga gastusing tunay na kinakailangan upang maihatid nang mahusay at maaasahan ang serbisyo ng kuryente.
“Ginawang pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagpapababa ng mataas na halaga ng kuryente, at malinaw ang hangganang itinatakda namin ni Speaker Bojie Dy: ang dapat bayaran ng mga konsyumer ay ang mahusay na serbisyo, hindi ang pagnanakaw, kapabayaan, o mga pagkukulang sa operasyon na hindi naman nila kasalanan.
Hindi dapat gawing insurance policy ang buwanang bill ng ordinaryong pamilya para sa mga pagkukulang na kayang pigilan ng utility,” diin ni Marcos.
Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring ipasa ng mga distribution utility ang mga hindi pinahihintulutang system loss sa pamamagitan ng wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies, o anumang iba pang singil na nakasaad sa buwanang bill ng kuryente.
Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang magtatakda kung anong limitadong bahagi ng konsumo ng kuryente na tunay na kinakailangan para sa episyenteng operasyon ng distribution network ang maaaring isama bilang bahagi ng distribution wheeling charge.
Hindi na rin maaaring ipasa sa mga nagbabayad ng kuryente ang mga gastos na dulot ng ilegal na paggamit ng kuryente, power theft, at pagnanakaw o paninira sa mga linya, kagamitan, at materyales ng sistemang elektrikal.
Saklaw din ng pagbabawal ang mga pagkaluging bunga ng depektibo o hindi tamang metro, kakulangan sa billing at collection, hindi sapat na maintenance, hindi episyenteng operasyon, kapabayaan, at iba pang dahilan na makatwirang nasa kontrol ng utility.
Mananatili pa rin ang karapatan ng mga distribution utility na mabawi ang mga makatwiran at kinakailangang gastusin upang mapanatiling maaasahan ang serbisyo at matiyak ang kanilang katatagang pinansyal.
Ipatutupad ng ERC ang reporma sa pamamagitan ng mga yugto upang maprotektahan ang mga konsyumer nang hindi naaapektuhan ang pagiging maaasahan ng suplay ng kuryente o ang katatagan ng mga maayos na pinamamahalaang utility.
Unti-unting babawasan sa panahon ng transisyon ang mga gastusing maaaring ipasa sa mga end-user, at kinakailangang makumpleto ang prosesong ito sa loob ng tatlong taon mula sa pagiging epektibo ng implementing rules.
Magtatakda rin ang ERC ng minimum efficiency standards para sa mga distribution utility, kabilang ang mga pamantayan sa dalas ng service interruptions at kahusayan sa koleksyon ng bayarin.
“Hindi ito lubusang pagtanggi sa mga lehitimong gastusin, at mahalaga ang pagkakaibang ito para kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Speaker Bojie Dy. Ang mga utility na mahusay ang operasyon ay maaari pa ring mabawi ang kanilang makatwiran at kinakailangang gastusin, ngunit ang mga gastos na dulot ng mga pagkaluging kaya nilang pigilan ay dapat manatili sa kanila bilang may pananagutan,” paliwanag ni Marcos.
Maglalabas ang ERC ng implementing rules sa loob ng 90 araw, matapos ang konsultasyon sa Department of Energy (DOE), mga distribution utility, consumer groups, at iba pang stakeholders. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.

