Calendar
Mabilis na naapula maliit na sunog sa bodega ng contractor sa loob ng Kamara; walang naiulat na nasugatan
ISANG maliit na sunog ang sumiklab sa bodega ng isang contractor sa loob ng compound ng House of Representatives bandang alas-9:30 ng umaga nitong Linggo, ngunit agad itong naapula at walang naiulat na nasawi o nasugatan.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng House of Representatives Fire Unit at ng Bureau of Fire Protection (BFP), na mabilis na nakontrol ang insidente at idineklarang fire out o ganap nang naapula ang sunog dakong alas-9:57 ng umaga.
Batay sa paunang pagsusuri, may ilang ari-arian at kagamitang nakaimbak sa pasilidad ang napinsala.
Sinimulan na ng Office of the Sergeant-at-Arms, katuwang ang BFP, ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang mga hakbang na makatutulong upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Binigyang-diin ng mga opisyal ng Kamara na agad na natugunan ang insidente dahil sa maagap at maayos na koordinasyon ng House Fire Unit at ng BFP.
Muling tiniyak ng House of Representatives ang kanilang pangako na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan at seguridad sa loob ng Batasan Complex.

