Edd Reyes

Mga pasaway na residente dahilan din ng baha

Edd Reyes Aug 12, 2026
26 Views

KAKAMBAL na talaga ng malalakas na buhos ng ulan ang mga pagbaha kahit ano pang magagandang proyekto at programa ang gawin ng pamahalaan.

Hindi lang naman kasi sa ating bansa nangyayari ang mga pagbaha dahil kahit sa mga malalaki at mauunlad na bansa, may nagaganap ding pagbaha at landslide sa tuwing may bagyo at malakas na buhos ng ulan.

Ang maganda nga lang, kapag may maayos na proyekto, hindi lumalalim ng husto ang baha at mabilis na humuhupa kapag tumigil ang buhos ng ulan tulad ng nangyari sa malaking bahagi ng Metro Manila nitong mga nakaraang araw.

Kahit kasi binaha sa siyam na araw na walang tigil na malalakas na buhos ng ulan ang Kamaynilaan, maraming mga lansangan na dating hindi nadaraanan dahil sa lalim ng baha ang bukas pa rin at nadaraanan ng mga motorista

Yun nga lang, hindi na yata talaga maaalis ang paglutang ng isang tambak na basura na itinatapon pa rin ng walang patumangga ng mga pasaway nating kababayan na dahilan ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig.

Ang siste pa, panay ang sisi ng ating mga kababayan sa pamahalaan, pagbanggit sa ninakaw na pondo sa flood control project, at kung ano-ano pang paninisi pero hindi yata naiisip na may papel din dapat silang gampanan, tulad ng wastong pagtatapon ng basura at pagsunod sa umiiral na waste segregation law.

Ang isa pa, kailangan siguro ang pagkilos ng mga opisyal ng barangay para sila ang sumita at humuli sa kanilang mga pasaway na residente at huwag lang nilang iasa sa pulisya at lokal na pamahalaan.

Kahit kasi tinaasan na ang multa sa pagtatapon ng basura, hindi pa rin masawata ang mga pasaway kaya dapat siguro, pagbutihin na lang ng mga barangay at kapulisan ang pagbabantay laban sa mga nagtatapon pa rin ng basura sa mga daluyan ng tubig.

Bilyong pisong ginugol sa Brgy. at SK election, malulusaw kapag ipinagpaliban

NAMUMURO na namang maunsiyami ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa Nobyembre 2, 2026 dahil sa inihaing panukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

May 64 miyembro kasi sa Kamara ang naghanin ng House Bill No. 10591 na layuning ilipat ang Barangay at SK election sa Nobyembre ng taong 2028 habang ganito rin ang inihain sa Senado ni Senator Francis “Chiz” Escudero.

Ilan sa mga dahilan ng mga mambabatas sa pagpapaliban sa halalan ang maiwasan daw ang gastos sa magkasunod na halalan, epekto nito sa ekonomiya ngayong nasa krisis sa langis ang bansa at para raw mabigyan ng mahabang panahon ang mga opisyal ng barangay para tapusin ang mga programa at proyekto.

Pero una ng sinabi ni Commission on Election (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kapag iniurong ang Barangay at SK Election, hindi ito isang pagtitipid kundi mas malaking halaga pa nga ng salapi ang magagastos dahil mas malaking bilang na ng mga botante ang lalahok sa 2028 na kailangang pondohan ang kanilang pagpapa-rehistro.

Tiniyak pa nga ni Chairman Garcia na handang-handa na sila sa idaraos na Barangay at SK election at ginastusan na nila ito ng malaking halaga ng salapi na nakalaan dito.

Sabi nga ng kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, malulusaw ang P8 bilyong pisong ginastos na ng Comelec sa oras na ipagpaliban ang halalan kaya kapag ina-probahan ito, hindi siya mangingiming kuwestiyunin ito sa Korte Suprema.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com