Congress

Magsaysay: Mataas na presyo ng gamot sa PH ‘emergency case’ na

Mar Rodriguez Aug 12, 2026
32 Views

INILARAWAN ni House Committee on Senior Citizens Chairperson at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay na isang “emergency case” ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot sa Pilipinas, kasabay ng panawagan para pabilisin ang proseso ng pag-apruba sa mga gamot na maaaring makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga pasyente.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo, kinuwestiyon ni Magsaysay ang mabagal na proseso ng pagsusuri at pag-apruba ng mga gamot sa Health Technology Assessment Council (HTAC) at Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa mambabatas, umaabot umano sa halos 10 taon ang proseso bago maaprubahan ang ilang gamot at maisama sa Philippine National Formulary (PNF) na kinakailangan upang maging kwalipikado ang mga ito para sa pagpopondo ng Department of Health (DOH) at PhilHealth.

“Isang disservice to the Filipino people na umaabot halos sampung taon ang proseso sa pag-apruba ng gamot sa HTAC at FDA,” sabi ni Magsaysay.

Binigyang-diin pa ni Magsaysay na hindi katanggap-tanggap na mataas ang presyo at hindi agad naaabot ng government subsidy ang mga gamot para sa mga sakit gaya ng diabetes, chronic kidney disease, multiple myeloma, iba’t ibang uri ng kanser at iba pang malulubhang karamdaman.

Sabi din ni Magsaysay na malaking bahagi ng gastusin sa gamot ay direktang nanggagaling sa bulsa ng mga pasyente.

“Kumpara sa mga bansang sa ASEAN region, sa Pilipinas, 85 percent ng medicine ang out-of-pocket expense o iyong mga gamot na personal na binibili ng publiko,” pahayag niya.

Dahil dito, dagdag pa ng kongresista na maraming Pilipino ang napipilitang bawasan o tuluyang ihinto ang pag-inom ng kanilang mga kinakailangang gamot dahil hindi na nila ito kayang bilhin.

Sinabi rin ng mambabatas na maaaring may kaugnayan ang problemang ito sa kakulangan ng mga gamot sa mga pampublikong ospital at iba pang programa ng pamahalaan.

Kinuwestiyon din ni Magsaysay kung bakit hindi agad naaaprubahan ng mga kinauukulang ahensya ang ilang gamot na nakapasa na umano sa mga globally accepted clinical practice guidelines at nasa listahan ng World Health Organization (WHO).

Nilinaw naman ni Magsaysay na mahalaga ang mahigpit na safety requirements para sa mga bagong gamot upang maprotektahan ang mga pasyente.

Gayunman, iginiit niyang hindi dapat maging dahilan ang mga proseso upang lalo pang tumaas ang presyo o maantala ang access ng mga Pilipino sa kinakailangang gamot.

Dahil dito, nanawagan si Magsaysay na gamitin ng Kongreso ang oversight function nito sa pamamagitan ng inquiry in aid of legislation/upang siyasatin ang matagal nang backlog sa medicine at technology applications sa HTAC at FDA.

Layunin umano ng naturang hakbang na matukoy ang mga bottleneck sa proseso at makapaglatag ng mga reporma upang mas mapabilis ang pagsusuri at pag-apruba ng mga gamot nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan at kalidad.

Ayon kay Magsaysay, kung hindi agad matutugunan ang problema, hindi lamang pagkaantala sa access sa mura at dekalidad na gamot ang maaaring idulot nito kundi maging seryosong banta sa buhay ng mga Pilipino.

“Ang isyung ito ay hindi lamang isang health at medical necessity kundi isang moral responsibility,” ani Magsaysay.