Calendar
Kapunan: Hindi si VP Sara ang biktima
BINIGYANG-DIIN ng batikan at de-kalibreng abogado na si House Private Prosecutor – Atty. Lorna Kapunan na hindi si Vice President Sara Z. Duterte ang biktima sa isinasagawang impeachment trial kundi ang buong mamamayang Pilipino na walang pakundangang pinagnakawan nito ng bilyon-pisong pondo mula sa kaban ng gobyerno.
Mariing tinutulan ni Atty. Kapunan ang mga pagtatangkang ilarawan si VP Sara bilang biktima ng impeachment proceedings. Binigyang-diin nito na ang tunay na usapin sa paglilitis ay ang pananagutan sa maling paggamit ng Pangalawang Pangulo sa pondo ng bayan.
Ayon kay Atty. Kapunan, ang kasong isinampa ng prosecution ay tungkol sa perang pag-aari ng sambayanang Pilipino at hindi lamang sa personal na pananalapi ng bise presidente.
“So again, let us remove that kawawa naman ang Vice President syndrome. Let us not think like she is the victim,” pahayag ni Atty. Kapunan.
“You, you, you are the victims. Whose money is this? These are public funds. These are not her personal funds,” dagdag nito.
“Kaya muli, alisin natin ang kaisipang kawawa naman ang bise presidente. Huwag nating isipin na siya ang biktima. Kayo, kayong mga mamamayan ang tunay na biktima. Kaninong pera ba ito? Pondo ito ng bayan, hindi personal na pera ng bise presidente,” ayon kay Atty. Kapunan.
Inakusahan din ni Atty. Kapunan si Duterte ng pagtrato sa pampublikong pondo na para bang sarili niyang pera.
“And yet she spends it as if it were her private ATM. She spends it the way she wants to spend it without accountability,” ani Kapunan.
“Gayunman, ginagastos niya ito na para bang sarili niyang ATM. Ginagamit niya ang pera ayon sa kanyang kagustuhan nang walang pananagutan,” dagdag pa ng abogado de-kampanilya.
Binatikos din ni Kapunan ang paggamit ni Duterte ng mga press conference upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya at batikusin ang mga opisyal ng pamahalaan, sa halip na humarap sa pagtatanong sa ilalim ng panunumpa.
Iginiit ni Kapunan na ilang ulit nang nailahad ng bise presidente ang kanyang panig sa publiko, kaya hindi umano makatwirang sabihing pinagkaitan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang kanyang sarili.
Nauna nang inaprubahan ng Senate impeachment court ang pagbawi sa Articles I, III at IV ng impeachment complaint. Dahil dito, Article II na lamang, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, ang natitirang artikulong kailangang pagpasiyahan ng hukuman.
Nanindigan ang prosecution panel ng Kamara na sapat ang mga ebidensiyang iniharap nito kaugnay ng Article II upang bigyang-katwiran ang pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto dahil sa umano’y culpable violation of the Constitution o mapananagutang paglabag sa Konstitusyon, at betrayal of public trust o pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Samantala, nakatakdang simulan ng kampo ni Duterte ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya sa Nobyembre 9.

