Calendar
1,000 Manileno lumabas na sa 4Ps
UMABOT sa 1,000 Manileno ang lumabas na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps makaraang maabot ang antas na may kakayahang makapag-sarili na kailangan upang makaalis na sa pangunahing programa ng pambansang pamahalaan.
Pinangunahan nitong Miyerkules ng hapon nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang “Pugay Tagumpay Graduation Ceremony” ng lokal na pamahalaan sa San Andres Sports Complex, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Nagmula sa anim na distrito ng lungsod at Baseco ang mga nagtapos na sa programa kung saan nakapagtala ng pinakamarami ang District 1 na umabot sa 286, sumunod ang District 2 na 192, District 3 na 122, District 4, 116, Baseco at District 6 na tig-105 at District 5 na 74.
Sinabi ng alkalde na ang pag-alis sa programa ng bawat isa ay hindi nangangahulugan na hindi na sila susuportahan ng lokal na pamahalaan at sa katunayan ay hinimok pa nga niya ang mga ito na mag-enroll sa skills training program ng lungsod, katuwang ang TESDA.
“Sino gustong maghanapbuhay? Kunin niyo na, sumali kayo doon sa training, matuto kayo officially, sertipikado pa kayo ng TESDA,” payo ni ni Mayor Isko sa mga nagtapos na puwede aniyang mag-aral ng pagluluto, pastry making, manicure services, at iba pang kaalaman na magbibigay-daan sa kanilang paghahanapbuhay.
Sa oras aniyiang makumpleto na ang kanilang pagsasanay, puwede silang mag-apply ng pinansiyal na tulong pangkabuhayan sa Maynila upang magamit na puhunan sa kanilang natutunang kaalaman na magiging daan sa pagtatayo ng sariling negosyo.

