QC

Pagnenegosyo sa QC pinadali, pinakonti dokumento

Jun I Legaspi Nov 3, 2026
169 Views

MAS kaunting dokumento, mas madaling pagbabayad at direktang paghahatid ng mga opisyal na papeles sa mga negosyo.

Ito ang mga hakbang ng Quezon City upang gawing mas simple ang pakikipagtransaksyon sa gobyerno habang pinatatatag ang papel bilang isa sa mga tagapagpasigla ng ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang State of the City Address, iniulat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na umabot sa P1.4 trilyon ang ambag ng QC sa ekonomiya noong 2025.

Nanguna rin ang Quezon City sa lahat ng lungsod sa revenue collection noong 2025, at nalampasan ang kita sa mga nakaraang taon.

Pinauunlad ng lungsod ang mga serbisyong pangnegosyo sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga kinakailangang dokumento, pagsasama-sama ng mga sistema ng pamahalaan at pagpapadali ng access sa mga serbisyo para sa mga negosyante.

QC ang kauna-unahang local government unit (LGU) na nakipag-ugnayan sa Philippine Business Hub, eGovPH at Business Name Registration System ng Department of Trade and Industry (DTI).

Napapadali ang pagpaparehistro ng negosyo at nababawasan ang paulit-ulit na pagsusumite ng parehong impormasyon sa iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno.

Mapapadali ang pagproseso ng Fire Safety Inspection Certificates sa ilalim ng kasunduan ng lungsod at ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Pinalalawak din ng lungsod ang paggamit ng digital payments sa lahat ng 142 barangay nito.

Sa ilalim ng barangay e-payment ordinance, bawat barangay ay magkakaroon ng electronic payment system na naka-link sa online business permit system ng lungsod.

Dahil dito, maaari nang bayaran ng mga negosyante ang kanilang barangay business clearance fees gamit ang GCash, Maya at iba pang online platforms.

Bahagi ang mga repormang ito ng mas malawak na digitalization initiatives ng lungsod kabilang ang QC BizEasy para sa business registration, QC Pay Easy para sa electronic payments at QC Delivers, na nakapaghatid na ng mahigit 289,000 opisyal na dokumento sa mga establisyimento.

Pinasimple rin ng lungsod ang mga inspeksyon batay sa antas ng panganib ng bawat negosyo.

Dahil sa mga hakbang na ito, kinilala ang Quezon City bilang Hall of Famer sa Most Business-Friendly LGU Award ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Nakatanggap din ito ng Gold Asia-Pacific Stevie Award for Innovation in Government mas maaga ngayong taon.

“Ang layunin natin ay hindi lamang gawing isang lungsod kung saan maaaring umunlad ang mga negosyo ang Quezon City. Nais nating bumuo ng isang lungsod kung saan ang inobasyon ay lumilikha ng mas maraming oportunidad, ang digitalization ay nagpapahusay sa serbisyo ng pamahalaan para sa lahat, at ang paglago ng ekonomiya ay nagdudulot ng mas magandang kalidad ng buhay para sa bawat QCitizen,” ani Belmonte.