Calendar
Nagpapagaling sa PGH ang dalawang biktima ng banggaan ng dalawang motorsiklo sa Angel Linao at Pedro Gil Streets sa Paco, Manila.
2 motor nagbanggaan, 3 sugatan


SUGATAN ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang babae, sa banggaan ng mga motor sa Pedro Gil Street malapit sa kanto ng Union Street sa Brgy. 681 noong Sabado.
Nakilala ang mga biktima na sina alyas “Regine,” 30-anyos, may asawa at isang negosyante, at angkas niyang si alyas “Mon,” 28-anyos na binata at isang customer service representative, na kapuwa naninirahan sa Mataas na Lupa, Malate, Manila.
Nakilala ang bumanggang rider sa mga biktima na si alyas “Andre,” 29-anyos na binata, isang helper at naninirahan sa may Brgy. 602, Sta. Mesa, Manila.
Ayon sa report kay Police Major Joel Aquino ng Manila Traffic Enforcement Group, bandang alas-11:55 ng gabi nang mangyari ang aksidente.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Perez, binabaybay ni Regine ang eastbound ng Pedro Gil St. pero pagdating malapit sa kanto ng Union St., ang likurang bahagi nito ay nabangga ni Andre.
Dahil sa lakas ng bangga, tumilapon si Regine at ang angkas na si Mon ng ilang metro sa kalsada at nagtamo ng injuries.
Napag-alaman na si Andre ay walang suot na helmet at nasa impluwensiya ng alak.
Ang mga nasaktang rider ay dinala ng ambulansya ng MDRRMO sa Philippine General Hospital upang lapatan ng lunas.
Si Andre ay dinala nina Pat. Adriano Ventura at Pat. Jat Mangaya ng Ermita Police Station sa Jose Reyes Memorial Medical Center para sa pagsusuring medikal at pisikal at alcoholic breath test.
Sa pagsusuri ni Dr. Maria Pamela DM. Estrada, positibo sa alak si Andre.
Inihahanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries with damage to property, at paglabag sa Republic Act (RA) 10586, o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, at RA 10054, o Motorcycle Helmet Act of 2009, laban sa rider.

