Calendar
Pulis tigok matapos matisod, baril pumutok
HINDI na umabot sa pagamutan ang isang pulis matapos na aksidenteng mabaril di umano ang kanyang sarili ng kanyang service firearm sa loob ng Barangay Hall ng Barangay 509, na matatagpuan sa kahabaan ng E. Quintos Street, malapit sa kanto ng Dapitan Street, Sampaloc, Manila, Lunes ng umaga.
Ang biktima ay 35-taong gulang na binata na nakatalaga sa Sampaloc Police Station, at itinalaga bilang beat patroller. Ang kanyang huling nakilalang tirahan ay sa Permanent Housing, Balut, Tondo, Manila.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 6:50 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulis, ang biktima at kanyang mga kasamahan ay nagsasagawa ng kanilang opisyal na tungkulin at bumibisita sa isang barangay sa nabanggit na lugar.
Sinabi umano ng biktima sa isa nitong kasamahang pulis na aayusin muna niya ang kanyang uniporme bago pumasok sa barangay hall.
Ilang minuto ang lumipas, pumasok sa barangay hall ang isa pa nitong kasamahan na patrolaman na nais din sanang ayusin ang kanyang uniporme. Nakita umano nito ang biktima na inaayos ang kanyang uniporme habang inaabot ang kanyang service firearm na baril.
Ang biktima ay umano’y natisod at natumba, na naging sanhi ng pagputok ng baril at pagtama ng bala sa kanyang ulo.
Nang marinig ang putok, agad na tumulong ang mga kasamahan ng biktima at dinala siya sa Chinese General Hospital upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Dumating sa nabanggit na lugar ang mga tauhan ng Police Station 4 (PS4) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team ng Manila Police District Forensic Unit (MPD-FU), para magsagawa ng paunang pagsisiyasat
Narekober sa lugar ng insidente ang service firearm ng biktima na isang CANIK na may Serial Number na T6472-19 BG 23160 at basyo ng bala na pinaniniwalaang nasa kalibreng 9mm.
Ang mga ebidensyang ito ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng MPD-FU.
Matapos makuha ang mga ebidensya, makapagkuha ng mga kinakailangang larawan, at makumpleto ang mga dokumentasyon sa lugar, nagtungo ang mga imbestigador sa Chinese General Hospital upang alamin ang kalagayan ng biktima
Natagpuang wala nang buhay ang biktima sa loob ng Emergency Room. May tama ito ng bala sa ulo.
Ayon sa mga tauhan ng ospital, opisyal na idineklarang patay ang biktima ganap na 9:40 ng doktor na tumingin sa kanya na nakilalang si Dr. Janine Baricaua.
Nanatili ang biktima sa ospital habang hinihintay ang pagdating ng puneraryang napili ng pamilya para sa isasagawang pagsusuri (forensic examination) at paghahanda sa mga serbisyong pamburol.
Ang insidente ay patuloy pa ring iniimbestigahan habang hinihintay ang resulta ng autopsy at iba pang pagsusuring forensic.

