Pulisya

Pulisya pinaghahanda sa mga rally dahil sa pagbabago sa trial ni VP Sara

Edd Reyes Oct 14, 2026
19 Views

INATASAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano kapulisan sa Metro Manila na maging alerto at handa sa posibleng biglaang mga demonstrasyon kasunod ng pagbabago sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Mahigpit ding pinasusubaybayan ni BGen. Abrahano ang mga posibleng banta sa seguridad, at tiyakin ang kahandaan sa operasyon upang agad na makatugon sa anumang pagtitipon o public assembly sa kani-kanilang nasasakupan.

Responsibilidad aniya nila na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan at katahimikan habang nirerespeto ang karapatan ng sinuman para sa mapayapang pagtitipon at paghahayag ng kanilang saloobin.

Binigyang-diin din ng hepe ng NCRPO na manatiling apolitical ang mga pulis at hindi dapat maimpluwensiyahan ng kanilang personal na pananaw o pagkiling sa politika ang pagtupad nila sa kanilang tungkulin.

Inatasan din niya ang mga pulis na pairalin ang pinakamataas na antas ng pagtitimpi, iwasan ang hindi kinakailangang komprontasyon, at gumamit lamang ng naaayon sa batas at angkop na mga hakbang kung kinakailangan.

Sinabi ni BGen. Abrahani na kailangang manatiling propesyonal at walang kinikilingan ang kapulisan at nakatuon sa kanilang tungkulin na tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad, at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa buong Metro Manila.