Calendar
Babae nasakote sa pag-‘Salisi’ sa retiradong pulis sa QC
NAARESTO ang isang 45-anyos na babae matapos umanong pagnakawan ang isang retiradong pulis sa Quezon City nitong Martes ng madaling-araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) acting director P/BGen. Christopher Olazo, nadakip ang suspek sa Ilocos Sur St., Brgy. Ramon Magsaysay, matapos makilala ng biktimang 49-anyos ang kaniyang kulay violet na Infinix cellphone na hawak ng babae.
Naganap ang insidente bandang alas-2:35 ng madaling-araw noong Oktubre 13 sa Samson Road, Brgy. Apolonio Samson.
Kabilang sa mga natangay sa biktima ang isang Armscor .45-caliber pistol na nagkakahalaga ng P30,000, itim na sling bag na may lamang P25,000 cash, dalawang Landbank ATM card, expired na PNP ID, PNP retiree ID, License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ID, at mga membership card ng Landers at S&R.
Sa karagdagang beripikasyon, lumitaw na may siyam na naunang rekord ng kasong kriminal ang suspek, kabilang ang pitong kaso ng pagnanakaw, isang kaso ng ilegal na pagsusugal, at isang kasong may kaugnayan sa Republic Act 9165 at Article 151 ng Revised Penal Code.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
