Calendar
Homicide isinampa vs 2 menor de edad, 18 anyos na suspek sa pagpaslang sa 16-anyos na kelot
KINASUHAN na ng homicide ang tatlong suspek sa pagpatay sa 16-anyos na Grade 11 student sa Quezon City noong Agosto 13 ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QCPD public information officer Maj. Jennifer Gannaban, sumailalim sa inquest proceedings ang mga suspek sa City Prosecutor’s Office noong Miyerkules ang 18-anyos na Grade 12 student na si alyas Rey at dalawang may edad na 15 at 16.
Nagbibilyar ang biktima at isang kaklase sa Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik Proper nang hamunin umano ng mga suspek na makipagsuntukan sa kanila.
Sa halip na makipag-suntukan, ilang ulit umanong sinaksak ang biktima hanggang sa mamatay.
Dalawa sa mga suspek ang naaresto sa follow-up operations ng pulisya habang isinuko ng kanilang mga magulang ang isa pang suspek.

