Madrona

Madrona kabilang sa 98 kongresistang may perfect attendance sa 1st sesyon ng 20th Congress

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
34 Views

KABILANG si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa 98 miyembro ng Kamara de Representantes na kikilalanin dahil sa pagkakaroon ng “perfect attendance” sa lahat ng 39 plenary sessions ng First Regular Session ng 20th Congress.

Ang pagkilala ay inihahanda ng House Committee on Ethics and Privileges bilang pagpupugay sa mga mambabatas na nagpakita ng disiplina, mabuting asal at dedikasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng taumbayan.

Ayon kay Ethics Committee Chairman at 4Ps Party List Rep. JC M. Abalos, hindi lamang nakatuon ang mandato ng komite sa pag-iimbestiga sa mga reklamo at pagpapatupad ng disciplinary action laban sa mga mambabatas.

Kabilang din umano sa kanilang tungkulin ang pagkilala at pagtataguyod sa mabuting asal, disiplina at responsableng serbisyo publiko.

Binigyang-diin ni Abalos na ang ethics sa Kongreso ay hindi lamang tungkol sa pagpaparusa sa mga maling gawain, kundi maging sa pagtatakda ng mataas na pamantayan para sa maayos at responsableng paglilingkod sa publiko.

“This isn’t about rewarding people simply for coming to work. It’s about setting a culture. Today we recognize 98. Hopefully, that number grows every year until perfect attendance is no longer exceptional—it is simply what the public expects, and what Congress expects of itself,” sabi ni Abalos.

Sa pagkilalang ito, kabilang si Madrona sa mga mambabatas na nakapagtala ng walang mintis na pagdalo sa 39 plenary sessions ng unang regular na sesyon ng kasalukuyang Kongreso.

Para sa House Ethics and Privileges Committee, layunin ng pagkilala na mahikayat pa ang ibang mambabatas na panatilihin ang mataas na antas ng disiplina, presensya at pananagutan sa kanilang trabaho sa Kongreso.