Dy

SPEAKER DY: BAWAT PILIPINO MAY PAPEL SA PAGPAPATATAG NG BANSA

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
28 Views

HINIKAYAT ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang bawat Pilipino na gampanan ang kanilang bahagi sa pagtatayo ng isang mas matatag, maunlad at masaganang Pilipinas, kasabay ng paggunita sa “National Heroes Day”.

Ayon kay Speaker Dy, hindi lamang nakasalalay sa mga lider ng bansa ang pag-unlad ng Pilipinas. Kailangan din umano ang pakikiisa ng bawat mamamayan na may malasakit, paninindigan at pagmamahal sa bayan.

“Dahil ang isang mas maunlad at matatag na Pilipinas ay hindi lamang itinatayo ng mga lider. Itinatayo ito ng bawat Pilipinong may malasakit at paninindigan,” ang pahayag ni Speaker Dy sa isang video message na inilabas sa social media platforms ng Kamara de Representantes.

Hinimok ng House Speaker ang mga Pilipino na parangalan ang mga bayani hindi lamang sa pamamagitan ng pag-alala sa kanilang mga sakripisyo, kundi sa pagpapatuloy ng kanilang ipinaglaban para sa bansa.

“Ngayong National Heroes Day, alalahanin natin ang mga bayani ng ating nakaraan at higit sa lahat mahalin natin ang ating bayan at kapwa upang lalo pang pagtibayin ang Pilipinas na kanilang ipinaglaban,” pahayag nito.

Para kay Speaker Dy, ang National Heroes Day ay hindi lamang panahon ng paggunita sa nakaraan kundi paalala rin sa kasalukuyang henerasyon ng kanilang responsibilidad bilang mga Pilipino.

“Ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita. Ito ay araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino,” sabi ng Speaker.

Sinabi ni Speaker Dy na iniwan ng mga bayani sa bansa ang isang mahalagang pamana—ang paniniwalang may mga bagay na higit na mahalaga kaysa sa pansariling interes, kabilang ang bayan, kapwa at kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Binigyang-diin ng House Speaker na nasa kasalukuyang henerasyon na ang pananagutang ipagpatuloy ang pamana ng mga bayani.

“Ngayon, tayo naman ang may pananagutan na ipagpatuloy ang pamana na iyon,” sabi pa nito.

Sa gitna ng mabilis na pagbabago sa lipunan at sa mundo, hinikayat ng Speaker ang mga Pilipino na panatilihin ang mga pagpapahalagang matagal nang bahagi ng pagkakakilanlan ng bansa.

Kabilang dito ang katapatan sa salita at gawa, paggalang sa kapwa, malasakit sa nangangailangan, tapang na panindigan ang tama at pagmamahal sa bayan.

“Ito ang tunay na mukha ng kabayanihan sa ating panahon,” ani Speaker Dy.

Iginiit din ng Speaker na hindi kailangang maging tanyag o gumawa ng pambihirang bagay upang matawag na bayani.

“Hindi kailangang maging tanyag upang maging bayani. Hindi kailangang gumawa ng pambihira upang makapaglingkod,” aniya.

Sa halip, sinabi ni Dy na ang kabayanihan ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng simpleng paggawa ng mabuti at paglilingkod sa kapwa sa araw-araw.

“Kailangan lamang nating piliing maging mabuting Pilipino—araw-araw, sa bawat pagkakataon,” dagdag ng Speaker.