Abante1

Abante hinihiling sa mga taga-Mindanao na suriin ebidensiya sa impeachment trial

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
24 Views

BINIGYANG-DIIN ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante, Jr. na dapat suriin ng mamamayang Pilipino ang mga ebidensiyang inilalatag sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte lalo na ang mga “Duterte Die-hard Supporters” (DDS) sa halip na ang pagbatayan lamang nila ay ang pagiging supporter ng Pangalawang Pangulo.

Dahil dito, hinikayat ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, ang mga Pilipino sa Mindanao na suriin ang naturang impeachment trial ni Duterte batay sa mga “ebidensyang inihaharap sa korte” anuman ang kanilang political affiliation o suporta sa bise presidente.

Si Abante ay nanawagan matapos itong hingan ng katiyakan kung paano dapat tingnan ng mga taga-Mindanao ang paglilitis.

“Makakaasa po ang taong bayan, kayo man ay sumusuporta sa Vice President o hindi, na maririnig po ninyo rito ay mga ebidensya na inilahad ng prosecution team,” pahayag ni Abante.

Bagama’t nananatiling malakas ang suportang pulitikal kay Duterte sa Mindanao, sinabi ni Abante na dapat pa ring nakabatay sa mga pormal na ebidensyang inihaharap sa Impeachment Court ang magiging pananaw ng publiko sa mga alegasyon laban sa bise presidente.

Hinimok din ng kongresista ang mga tagasuporta at kritiko ni Duterte na personal na subaybayan ang mga paglilitis upang sila mismo ang makapagpasya batay sa testimonya ng mga saksi at mga dokumentong inihaharap sa korte.

“Ang pakiusap lamang po namin sa taong bayan ay makinig at manood po sila at sila na ang manghusga on their own kung talagang ginagawa ng prosecution team ang kanilang tungkulin ayon sa Konstitusyon, ayon sa batas,” wika ni Abante.

Pagbibigay-diin ng mambabatas na tungkulin lamang ng House prosecution team na ilahad ang kanilang kaso at mga ebidensya, at hindi ang diktahan ang magiging desisyon ng publiko o ng mga senator-judge.

“We cannot make the judgment now. Ang gagawin lamang ng prosecution team ay ilahad sa taong bayan lahat ng mga ebidensya,” ani Abante.

Samantala, magkakaroon din ng pagkakataon ang defense team ni Duterte na kuwestiyunin ang mga testigo ng prosecution, kontrahin ang mga dokumentong iniharap at maglahad ng sarili nitong mga ebidensya.

Pagkatapos nito, ang mga senator-judge ang susuri at magpapasya kung napatunayan ang alinman sa mga artikulo ng impeachment laban sa bise presidente.

Para kay Abante, mahalagang manatiling bukas sa pagsusuri ng publiko ang mga paglilitis upang masuri ng mga Pilipino, kabilang ang mga taga-Mindanao, ang kaso batay sa ebidensya at hindi lamang sa magkakaibang political narratives.

“I hope that ang mga taong bayan po ang makikita nila ang mga ebidensya tungkol dito, and they will actually appreciate all the evidence presented. ’Yun po ang nais natin,” ani Abante.

Dagdag pa niya, “Kaya nais namin na sila ay manood. Nais namin na makita po nila ito.”