Acidre1

Acidre: Pahayag ni VP Duterte ilang minuto matapos ang Rule 18 ruling ‘paglabag’

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
26 Views

IGINIGIIT ni TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre na ang pampublikong pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte ilang minuto matapos higpitan ng Senate Impeachment Court ang pagpapatupad ng “Rule 18” ay dapat magsilbing unang pagsubok kung pantay na ipatutupad ang “sub judice rule” sa lahat ng sakop nito.

Ayon kay Acidre, nakababahala umano na agad naglabas ng pahayag ang bise presidente matapos ang ruling ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero noong Agosto 26.

“Nakabahala po na ilang minuto lang after magkaroon ng ruling ang presiding officer ng Impeachment Court, mayroon nang isang respondent na nagpalabas ulit ng statement na clearly was a violation of the sub judice rule, based on the interpretation,” sabi ni Acidre.

Sa ilalim ng Rule XVIII, nililimitahan ang mga sakop na partido at kalahok sa paglilitis sa pagtalakay sa publiko ng mga usaping maaaring makaapekto sa merito ng nakabinbing impeachment case, kabilang ang mga pinagtatalunang katotohanan, ebidensya at argumento na maaaring magdulot ng panlabas na impluwensiya sa mga senator-judge.

Bagama’t pinaigting ni Escudero ang pagpapatupad ng naturang panuntunan, sinabi niyang hindi maaaring ipataw nang retroaktibo ang mga parusa sa pahayag ni Duterte na inilabas habang ipinapaliwanag pa lamang ang mga bagong alituntunin. Gayunman, kalaunan ay ipinaalala niya sa kampo ng bise presidente na sakop din siya ng naturang restriksiyon.

Para kay Acidre, mahalagang maging pantay at patas ang pagpapatupad ng sub-judice rule at hindi lamang ito dapat gamitin laban sa prosecution.

“Ang akin lang pong sana, kung ipatutupad man ito nang mahigpit, sana maging pantay po at patas ang pagpapatupad. Hindi po maaaring ang prosecution lang ang may violation; dapat lahat ng respondents,” ani Acidre.

Inihambing din ni Acidre ang inaasahang pag-iingat ng prosecution sa mga pahayag ng bise presidente tungkol sa impeachment proceedings.

Sinabi ng mambabatas na sinisikap umano ng mga miyembro ng prosecution na huwag talakayin sa publiko ang merito ng kaso, kabilang ang mga senador-hukom.

“Lalo na kung makikita mo, ang sinasabi po ng ating mga kasamahan na nasa prosecution na sila ay hindi nagsasalita tungkol sa merits ng kaso,” ani Acidre.

Samantala, sinabi pa ni Acidre na ilang pagkakataon nang narinig ng publiko ang mga pahayag ni Duterte na kumukuwestiyon sa kabuuang proseso ng impeachment.

Noong Agosto 26, naglabas si Duterte ng pahayag na bumatikos sa prosecution, na inakusahan niyang gumagamit ng mga insulto, espekulasyon at political theatrics, habang inilarawan ang kanilang presentasyon ng kaso bilang mahina.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Escudero ang kampo ni Duterte na ang mga susunod nitong pampublikong pahayag ay sakop ng bagong interpretasyon at mas mahigpit na pagpapatupad ng Rule 18.

Para kay Acidre, hindi lamang ito usapin kung dapat bang makapagpaliwanag sa publiko ang prosecution tungkol sa impeachment proceedings. Mas mahalaga umano ang tanong kung pareho ring pamantayan ang ipatutupad sa respondent at sa magkabilang panig ng kaso.

“So, ang sa atin lang ho sana ay maging patas ang pagpapatupad nito,” dagdag ni Acidre.