Dy1

SPEAKER DY: “SA PAGKAKAISA, MAITATAYO NATIN ANG BAGONG KONGRESO”

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
28 Views

HINIMOK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga miyembro at kawani ng Kamara de Representantes na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang maisulong ang isang mas mahusay at mapagkakatiwalaang Kongreso.

Ayon kay Speaker Dy, ang mga hakbang na naisagawa upang maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon ay simula pa lamang at marami pang kailangang gawin.

Inihayag ito ng House Speaker sa isang sorpresang selebrasyon para sa kanyang nagdaang kaarawan na inorganisa ng mga lider, opisyal at empleyado ng Kamara. Nagpasalamat si Dy sa buong Kamara dahil sa patuloy na pagkakaisa at hindi pagsuko sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng institusyon.

“Mapalad po ako sapagkat ang mga naging kasama ko ay hindi tayo sumuko—lumaban tayo. Lumaban tayo ibangon ang Kongreso. Salamat sa tiwala,” pahayag ni Speaker Dy.

Binigyang-diin ng Speaker na mahaba pa ang proseso ng pagbabago at kailangan ang patuloy na pagkakaisa at paninindigan ng bawat isa upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.

“Mahaba pa ang laban natin. Nakakapag-umpisa pa lang tayo. Pero dapat lalo natin ipaglaban ang tama at ipaglaban natin ibangon ang Kongreso sa tulong ng bawat isa,” sabi ni Speaker Dy.

“Palakasin pa natin yung ating paniniwala na kayang-kaya nating ibangon ang Bagong Kongreso,” dagdag pa ng Speaker:

Mula nang maupo bilang Speaker, itinaguyod ni Dy ang konsepto ng “Bagong Kongreso” na nakasandig sa transparency o pagiging bukas sa publiko, accountability o pananagutan, reporma sa institusyon at mga konkretong resulta para sa mga Pilipino.

Paulit-ulit ding binigyang-diin ng Speaker na ang pagpapalakas sa Kongreso ay isang sama-samang responsibilidad. Kung saan aniya, kailangang unahin ng mga mambabatas at kawani ang serbisyo publiko at kapakanan ng mga Pilipino kaysa sa pagkakaiba-iba sa pulitika at personal na interes.

“Sa pagkakaisa at pagtutulungan, patuloy nating itatag ang isang Bagong Kongreso na muling pagkakatiwalaan ng sambayanang Pilipino,” sabi pa ng House Speaker.