Bam

Aquino: Tulong sa mga estudyante nasa Libreng Kolehiyo Law

186 Views

SINABI ni Sen. Bam Aquino na kasama sa bagong Libreng Kolehiyo Law ang tulong sa internship at Related Learning Experience (RLE) ng nursing at allied-health students, na maaaring umabot sa P20,000 hanggang P80,000 ang gastos.

Nilagdaan ang RA 12325 na nag-aamyenda sa RA 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

“Iyong isang nilaban po natin, iyong tulong sa mga nurse para sa RLE nila o related learning experience, kasama na rin dito sa bagong batas,” ani Aquino.

Ayon sa senador, dagdag gastos sa mga estudyante at kanilang pamilya ang RLE requirements ng nursing at iba pang health-sciences courses.

Sinabi niyang may ilang estudyanteng nahihirapang ipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa taas ng naturang gastos.

“Ito’y katuparan ng ating pangako noong kampanya na isusulong ang tulong pinansiyal para sa RLE ng nursing at allied health sciences students,” ani Aquino.

Naglaan rin ng P500 milyon sa 2026 national budget para makatulong sa RLE expenses ng humigit-kumulang 19,000 allied-health sciences students, ayon kay Aquino.

Sa ilalim ng Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) grant, maaaring makatanggap ang mga kuwalipikadong estudyante ng one-time P25,000 grant para makatulong sa kanilang RLE expenses.

“Iyong mga amendments sa Republic Act 10931 o batas para sa Libreng Kolehiyo, maganda po ito. Unang-una, masisigurado na iyong mga kabataan na talagang nangangailangan ay makakuha ng tulong,” ani Aquino.

Si Aquino ay naging principal sponsor ng RA 10931 noong 2017 at co-author ng panukalang nagresulta sa RA 12325.