NBI

Banyaga nangangako ng pekeng visa renewal sa kapwa banyaga, sabay kotong

Jon-jon Reyes Sep 6, 2026
30 Views

INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- Criminal Intelligence Division (NBI-CRID) ang Tsino sa Pasay City dahil sa pagkakasangkot sa umano’y visa-processing scam at robbery-extortion laban sa isang kumpanyang Tsino at iba pang mga dayuhan.

Huli sa akto ang suspek matapos tanggapin ang marked money kapalit ng pagbabalik sa mga itinagong pasaporte ng mga biktima.

Nabawi ng NBI ang 22 pasaporte na pagmamay-ari ng mga Chinese, Vietnamese at Taiwanese.

Humingi ng saklolo sa NBI-CRID ang mga nabiktima ng suspek upang mabawi ang 20 hanggang 25 na pasaporte na nasa possession ng suspek.

Nagpapakilala ang suspek na may malalakas na connections sa Bureau of Immigration (BI) upang kumbinsihin ang mga dayuhan na isuko sa kanya ang kanilang mga pasaporte para diumano sa pagpoproseso ng visa renewal applications kapalit ng bayad na P150,000 bawat passport.

Sa beripikasyon ng NBI sa BI, napag-alamang walang anumang aplikasyon para sa visa renewal na nai-submit ang suspek.

Lumabas sa imbestigasyon na ang naging modus operandi ng suspek ay ang kunin ang tiwala ng mga biktima sa pamamagitan ng pekeng tulong sa visa processing, ipitin ang kanilang mga pasaporte at humingi ng P150,000 bawat pasaporte kapalit ng pagbabalik nito.

Ipinahayag ni NBI Director Melvin Matibag na sasampahan ng NBI ang suspek ng mga kasong robbery-extortion, estafa, grave coercion, resistance and disobedience at obstruction of justice.

Nagbabala ang NBI sa publiko, partikular sa mga dayuhan, na maging maingat sa mga indibidwal na nag-aalok ng mabilisang transaksyon gamit ang mga umano’y koneksyon sa mga ahensiya ng gobyerno.