Tulfo

Hindi napanood trial paano boboto ng matalino? — Sen. Raffy

12 Views

KWINESTYON ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung paano makagagawa ng matalinong pasya sa impeachment trial sina Sens. Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada kung hindi nila nasusubaybayan ang proceedings habang nasa kustodiya.

Iniharap niya ang tanong matapos imungkahi ni Senator-Judge Pia Cayetano na sumulat ang Senate impeachment court sa Sandiganbayan kaugnay ng partisipasyon nina Marcoleta at Estrada kapag dumating na ang impeachment vote.

Itinaas ni Raffy Tulfo ang praktikal na usapin kung paano masusubaybayan ng dalawang senador ang testimonya at ebidensiyang inihaharap sa impeachment court bago sila bumoto.

Ang tanong ay kaugnay ng mas malawak na usaping inilatag ni Senator-Judge Erwin Tulfo tungkol sa kung paano dapat bilangin ang mga senador sa final vote kung may mga miyembrong hindi makalahok o makaboto.

“If we were to cast our votes two or three months from now or next month or even tomorrow, who among our members can validly cast their votes on the final question?” tanong ni Erwin Tulfo.

May mga miyembro ng Senado na hindi nakadalo sa proceedings dahil nasa ibang bansa, nasa kustodiya, nagtatago o hindi makalahok sa ibang dahilan.

“Remember, Mr. Presiding Officer, we have two of our colleagues who are not here,” ani Sen. Erwin Tulfo.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang concurrence ng two-thirds of all members of the Senate upang ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.

Binigyang-diin ni Erwin Tulfo na hindi niya hinihiling na ibaba ang constitutional requirement para sa conviction. Ang nais niyang malinawan ay kung paano dapat unawain ang “all members” kapag may mga senador na hindi makalahok sa final vote.

“When we refer to all members, who exactly are we counting?” tanong niya.

Binanggit niya ang Avelino v. Cuenco sa pagtalakay sa mga senador na nasa loob o labas ng coercive jurisdiction ng Senado.

Ang Avelino case ay tumalakay sa quorum at hindi direktang nagpasya kung paano kukuwentahin ang constitutional requirement na two-thirds of all Senate members para sa impeachment conviction.

Dinala pa ni Erwin Tulfo sa mas matinding hypothetical ang kanyang argumento.

Ayon kay Erwin Tulfo, kailangang resolbahin ng impeachment court kung paano ipatutupad ang constitutional two-thirds requirement kapag may mga senador na hindi makalahok sa final vote.

“Should the constitutional design of making impeachment difficult override equally important constitutional demand for accountability?” tanong niya.

Hiniling niyang talakayin at pasyahan ang usapin “sooner than later,” lalo na matapos bawasan ng prosecution ang mga testigong ipiprisinta nito, isang development na sinabi niyang maaaring magdala sa kaso sa final question nang mas maaga.