QCPD

QCPD hinigpitan seguridad sa 2 paaralan na ‘binantaan’ sa socmed

140 Views

QCPD1HINIGPITAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang seguridad sa E-Claro Academy at Batasan Hills National High School matapos kumalat ang isang social media post hinggil sa umano’y banta sa dalawang paaralan.

Ayon sa QCPD, agad na nakipag-ugnayan ang Batasan Police Station (PS 6) sa mga opisyal ng dalawang paaralan upang beripikahin ang naturang ulat.

Hanggang Setyembre 8, wala namang naitalang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa nasabing banta sa alinman sa dalawang paaralan.

Nakipag-ugnayan din ang QCPD sa Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QC-DACT) upang alamin ang pinagmulan ng umano’y banta sa social media, gayundin ang pagkakakilanlan ng nasa likod nito.

Samantala, patuloy ang pinaigting na police visibility at seguridad sa mga paaralan, katuwang ang school authorities, barangay officials at iba pang concerned agencies.

Hinimok ng QCPD ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag at iwasang magpakalat o magpalaganap ng hindi beripikadong impormasyon. Pinayuhan din ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, E911 o QC Helpline 122 ang anumang kahina-hinalang aktibidad o impormasyon.