Solon

Party list solon walang pagod sa pakikipaglaban para sa nakatatanda

Mar Rodriguez Sep 11, 2026
30 Views
TULOY si United Senior Citizens Party List Rep. Milagros “Mila” Aquino-Magsaysay sa pagsusulong sa karapatan, kapakanan at proteksiyon ng mga nakatatanda.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinangunahan ni Secretary Rex Gatchalian, nakipagdayalogo si Aquino-Magsaysay at pinakinggan ang mga pangangailangan ng mga senior citizen, partikular ang mga usaping may kaugnayan sa kanilang access sa mga programa at serbisyong panlipunan.

Binigyang-diin ng solon na mahalagang matiyak na ang mga programa ng pamahalaan ay tunay na nakararating sa mga nakatatanda at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Patuloy niyang ipaglalaban ang kapakanan ng mga miyembro ng United Senior Citizens Party List sa DSWD at sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang matiyak na natatanggap nila ang mga benepisyong at serbisyong nararapat para sa kanila.
“Boses ninyo ako. Makikinig, kikilos, at maninindigan,” pahayag ng mambabatas.
Ayon kay Aquino-Magsaysay, bahagi ng kanyang tungkulin bilang kinatawan ng mga nakatatanda ang direktang pakikinig sa kanilang mga hinaing at pagsusulong ng mga konkretong hakbang para sa kanilang kapakanan.
Iginiit ng kongresista na ang proteksiyon at kapakanan ng senior citizens ay dapat manatiling prayoridad sa mga programa at polisiya ng pamahalaan.