Nigerian na wanted sa love scam arestado

192 Views

ARESTADO ang isang Nigerian na wanted umano sa panghuhothot sa isang Filipina na nakilala nito sa dating site na MeetMe.

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) si Ikenna Onuoha, 37, Nigerian; at ang kasama nitong si Jacel Ann Paderan, 28-anyos, alas-5:45 ng hapon noong Nobyembre 1 sa Camella Lessandra, Molino 1, Bacoor, Cavite.

Sila ay hinuli sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Maria Gilda T. Loja-Pangilinan, ng Branch 230, Regional Trial Court (RTC), Quezon City kaugnay ng kinakaharap nilang swindling/estafa.

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng isang babae na nakilala umano ni Onuoha sa dating site na MeetMe noong Abril 2020. Nagpakilala umano si Onuoha bilang Demir Balik at nagkaroon sila ng long distance relationship.

Nagsabi umano si Onuoha na pupunta ito sa Pilipinas subalit nagkaroon ng problema ang kanyang bank account. Humingi si Onuoha ng tulong pinansyal sa biktima at ipinadala ang pera sa isang “Mohammed” na kinakaunan ay nakilalang si Paderan.

Nagbigay umano ang biktima ng P254,000 at ilang ulit pa umano nasundan ang panghihingi ng suspek.

Noong Hulyo 15, 2020 ay nagsabi umano si Onuoha na napunta ang kanyang flight sa Cebu International Airport. Isang Stephanie Evangelista umano ang tumawag sa biktima at sinabi na kailangan ng P650,000 para lumabas ang Certificate of AMLAC na kailangan para makalabas ang 1 milyong dolyar ni Onuoha.

Umabot umano sa P2.2 milyon ang naibigay ng biktima sa suspek.