Robredo

Abalos, Raymundo nag-abot na ayuda sa Naga; nanawagan ng paglunsad ng donation drives

104 Views

NAGA CITY, Camarines Sur — Nagkasama muli sina dating bise presidente Leni Robredo at senatorial candidate Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. para magpaabot ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, na nag-iwan ng matinding pinsala at pagbaha sa mga barangay ng Naga City.

Sa kabila ng pag-iwas nina Robredo at Abalos sa media, nakunan sila ng litrato ng ilang residente, na nagpahayag ng paghanga sa tahimik na paraan ng kanilang pagtulong. Sinalubong ni Robredo si Abalos sa paliparan.

Kaagad nag-usap ang dalawa upang mapagplanuhan ang mas epektibong distribusyon ng tulong sa mga apektadong lugar.

Bukod sa personal na pag-abot ng tulong, parehong naglunsad ng kani-kanilang panawagan para sa donation drive sina Abalos at Robredo sa kanilang social media accounts upang makahikayat ng donasyon para sa iba’t ibang organisasyon.

Sa panahon kung saan maraming politiko ang tila mas nakatuon sa pagpapakita ng kanilang relief efforts sa publiko, sina Robredo at Abalos ay tahimik at walang kaingay-ingay na tumutulong sa mga Bicolano.

Ayon sa mga ulat ng lokal na pamahalaan, mahigit 10,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Kristine sa Camarines Sur, kung saan higit 2,000 sa kanila ang kinailangang lumikas dahil sa patuloy na pagbaha.

Tinatayang umabot sa 50 katao ang nasaktan at may ilang kaso ng nawawala pa ring residente.

Ang bagyo ay nagdulot ng malawakang pinsala sa mga kabahayan, pananim, at imprastruktura, dahilan upang magsagawa ng agarang relief operations ang mga ahensya at mga pribadong grupo.

Sa isang pahayag sa kanyang social media, sinabi ni Abalos na sa mga panahong tulad nito, mas mahalagang tutukan ang pagtulong kaysa sa mga personalidad.

“Maraming bahagi ng Luzon ang lubog sa baha dahil sa pinsalang dulot ng bagyong #KristinePH. Bukod sa sama-samang pananalangin, ngayon, higit kailanman, magkaisa tayo sa layuning makapag-abot ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo,” ayon sa isang Facebook post ni Abalos.

“Panahon para magkaisa. Maraming mga kababayan natin ang tinamaan ng bagyong #KristinePH lalo na po ang rehiyon ng bikol. Anuman ang ating maibabahagi—gaano man ito kaliit—kapag pinagsama-sama, makakabuo tayo ng makabuluhang pagbabago. Sama-sama tayong umaksyon para sa mas mabilis na pagbangon ng ating mga kababayan at ng bansa,” dagdag pa niya sa post.

Nanawagan din si Abalos ng tulong para sa mga magsasaka na lubha ring nasalanta ng bagyo. Dapat din daw umanong tulungan ang mga alagang hayop na apektado ng bagyo at hinikayat ang publiko na magdonate sa Philippine Animal Welfare Society.